‘Pinaglaruan at giniba’: Awit ng 'bakwit' para sa Marawi | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

‘Pinaglaruan at giniba’: Awit ng 'bakwit' para sa Marawi

‘Pinaglaruan at giniba’: Awit ng 'bakwit' para sa Marawi

Patrick Quintos,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 23, 2018 08:50 AM PHT

Clipboard

Pinakikinggan ng 'bakwit' (evacuee) na si Gulam Dia ang awiting alay ni Jimmy Abato para sa Marawi habang nagpapahangin sa labas ng kanilang temporary shelter. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MARAWI, Lanao del Sur – Dinadalaw pa rin madalas ng lungkot ang bakwit na si Jimmy Abato kapag naaalala niya ang sinapit ng kaniyang minamahal na bayan na naging lugar ng digmaan sa pagitan ng mga terorista at sundalo nitong nagdaang taon.

Sa mga ganitong pagkakataon, humihiram si Abato ng gitara sa kapitbahay niya sa temporary shelter sa Barangay Sagonsongan para tumugtog at umawit.

Si Abato ay dating bokalista at composer ng isang banda noong kabataan niya.

“Pampatanggal ng stress, ang ginagawa ko lang naggigitara ako 'pag gabi. 'Pag iniisip ko ang Marawi, kung ano-ano ang ginagawa ko lang para makalimutan ko ‘yung nangyari,” kuwento ng 45 anyos na 'bakwit' o evacuee sa ABS-CBN News.

ADVERTISEMENT

Isa sa kaniyang naging pampalipas ng sakit ng damdamin ang pagsusulat ng mga awit. Habang nasa evacuation center, isinulat niya ang kantang “Pinusuran Nagibas” sa wikang Maranao, o “Pinaglaruan at Giniba” sa Tagalog.

Kaniya itong ipinarinig sa News team.

Watch more in iWantv or TFC.tv

“Islamic City of Marawi, hindi ka ba nalulungkot? Ay! Mga tao sa tapat ng lawa sa Islamic City of Marawi, pinaglaruan at giniba ng mga bomba,” bungad ng kantang Maranao sa salin sa Tagalog.

Dahil hindi direktang maisalin sa wikang Tagalog, ipinaliwanag ni Abato na ang awit ay kuwento kung paano ang Marawi, na “bunga ng puso” ng kanilang mga ninuno sa loob ng matagal na panahon ay mistulang napaglaruan hanggang sa mawasak sa loob lang ng 6 na buwan.

Si Abato ay dating umaawit sa kanyang sariling radio frequency na “Bravo.” Dinig ito tuwing gabi sa Marawi bago magkagiyera. “May radio station ako, ‘yung Bravo… Pag kumakanta ako nang gabi, halos lahat naka-monitor sa ‘kin,” aniya.

Mayo 25 nang lisanin ni Abato ang kaniyang bahay sa Barangay West Marinaut kasama ang kaniyang misis at mga anak, habang yumayanig ang mga bombang nalalaglag sa siyudad.

Nang tanungin kung ano-ano ang nasaksihan niya habang naglalakad palabas ng Marawi, sabi niya ay ayaw na lang niyang maalala.

Ipinakita ni Jimmy Abato ang isang banyera, tray, at hawakan ng poso, ang mga gamit na kanilang nasalba mula sa kanilang nawasak na bahay sa Barangay West Marinaut, ground zero ng Marawi. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Kasalukuyan siyang nakatira sa 24-square-meter na estrukturang kailangan nilang ituring na tahanan sa susunod na tatlo o higit pang taon, depende sa kung gaano kabilis matatapos ang pagsasaayos ng 250 ektaryang bahagi ng Marawi na napuruhan sa digmaan, isang taon na ang nakalilipas.

Bago magsimula ang banal na buwan ng Ramadan nitong nakaraang linggo, naisipan ni Abato na humingi ng tulong para magawang maliit na bersiyon ng mosque ang espasyong sakop ng kaniyang pansamantalang bahay.

Bukas ang espasyong pampanalangin na ito sa kaniyang mga kapwa bakwit.

Hiniram lamang ni Jimmy Abato sa Koreanong contractor ng kanilang temporary shelter ang mga ginamit niyang panghaligi at pambubong sa tagpi-tagping espasyo pampanalangin na ito, na bukas para sa kanyang mga kapwa bakwit. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

"‘Yung lugar na walang ganito kumbaga sa tao ay walang puso. Pero kahit na may ganito na kapilya lang, basta meron, kumbaga sa tao, may puso na ang lugar,” aniya.

Panalangin niya para sa kanilang komunidad: sana ay makalampas na sila sa pagsubok na ibinigay ng Allah sa kanila.

Tubig at pera ang problema sa temporary shelters, dagdag pa ni Abato, lalo’t nakaasa sila sa tubig ulan at minsan-minsang rasyon mula sa gobyerno para mapuno ang malaking dram sa harap ng kanilang bahay.

Kung wala ng isa sa mga ito, kailangan pa nilang mamasahe at umigib ng tubig sa malayo.

Bukod sa tubig, masangsang din ang amoy sa shelters dahil maliit ang poso negrong ginawa sa lugar.

Dahil dito, ang maruming tubig mula sa mga bahay ay dumadaan sa open canal at palabas sa kalapit na creek.

“Panawagan ko sa Pangulo, sana po ay madaliin na ang rehabilitasyon ng Marawi. Para ‘yong mga tao na kumalat ay makabalik na ulit sa Islamic City of Marawi,” ani Abato.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.