Dagdag-opisina, trak tugon ng DFA sa mga reklamo sa passport appointment

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kasabay ng paglulunsad ng 10 taong validity ng mga pasaporte simula ngayong buwan, inanunsiyo ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na magbubukas ng mga bagong opisina at magpapakalat ng mga mobile passport processing units para maibsan ang problema sa passport appointment. 

Ayon kay Cayetano, magbubukas sila ng mga bagong regional consular office ngayong taon sa mga sumusunod na lugar:

·San Nicolas, Ilocos Norte
·Santiago, Isabela
·Malolos o Meycauayan, Bulacan
·Calamba o San Pablo City, Laguna
·Dasmariñas City, Cavite
·Antipolo, Rizal
·Oroquieta City o Ozamis City, Misamis Occidental
·Tagum, Davao del Norte
 
Samantala, apat na truck para sa mobile passport processing o "passport-on-wheels" ang ipakakalat ng DFA.

Kaya mula 9,000, inaasahang magiging 15,000 pasaporte ang kayang i-proseso ng DFA bawat araw.

Nagbukas din ang DFA ng mga karagdagang slots online para sa passport appointment mula buwan ng Enero.

Paliwanag ni Cayetano, hanggang tatlong buwan lang muna ang binubuksan ng ahensiya habang inaayos ang isang e-payment system at sinasala ang mga pekeng appointment.

Pekeng appointment
 
Sa kanilang tala, 50,000 pekeng appointment ang nakansela kaya nakapagbukas ang ahensiya ng bagong slots. 

"The system is not perfect. It's improving. It's not enough, we have to do more. Thank you for those who are criticizing...[B]ut please understand that we will also react strongly if the accusations are ridiculous," ani Cayetano.

Giit ni Cayetano, tinanggal na ang dating sistema ng pagbibigay ng slots para sa travel agencies at hinihikayat niya ang mga aplikante na isumbong ang magbebenta pa ng appointment.

Paalala ni Cayetano, kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFW) na may dalang katibayan sa mga puwedeng mag-walk in, bukod pa sa mga senior citizen, at persons with disability. 

Isang call center at mobile app din ang balak ilunsad ng DFA para tugunan ang mga isyu sa passport processing.

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.