'Sindikato' sa DFA, sinisi sa pahirapan sa passport appointment

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 08:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inuulan ng reklamo ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa Marso na ang pinakamaagang passport appointment na makikita sa kanilang website, gayong may ilang travel agencies na "nagbebenta" pa rin ng slots para sa Enero.

Sa Facebook page ng DFA, sunod-sunod na negatibong review ang natatanggap ng ahensiya.

"There is no way to book passport renewal from January-March in all your satellite offices in the whole country, Luzon, Visayas, Mindanao? Seriously? Even in Gen San?" ayon sa netizen na si Glynn Manalo.

Kuwento naman ni Mia Tioseco, araw-araw ay bigo siyang makakuha ng appointment sa DFA pero laking pagtataka niya kung bakit may ilang travel agency na nag-aalok ng kumpirmadong appointment at serbisyo ngayong Enero kapalit ng halagang P4,500.

"[T]here are 'accredited' travel agencies that are charging P4,500 for a confirmed appointment and the full passport renewal services...Bravo DFA for allowing your syndicate to sell these slots to agencies," hinaing ni Tioseco. 

Hinala ni Tioseco, may sindikato pa rin na kumikita sa pahirapang pagkuha ng appointment.

Ibinihagi naman ni Che Gosim ang usapan nila ng dalawang travel agency tungkol sa presyo ng iniaalok na appointment.

Aniya, P2,000 ang singil sa kaniya hindi pa kasama ang passport fee.

Mas malala?

Ang mga ito ay nangyayari sa kabila ng pagtiyak ng DFA na tinanggal na nila ang ganitong sistema.
 
"Do not patronize those so-called travel agencies kasi tinanggal na ang facilities na they had before, inalis na. So they have no more facility to lodge applications...binigay natin sa mga OFWs," ani DFA Assistant Secretary Frank Cimafranca.

Giit niya, hanggang 12,000 libong passport lang ang kayang iproseso ng DFA bawat araw kumpara sa 12,000-15,000 passport application.

"Sa ngayon kasi the demand is so huge, we can hardly cope...that's why we are trying to address this by trying to increase our capacity," ani Cimafranca.

Gayumpaman, sinabi ng opisyal na hindi na kailangang magpa-appointment ng senior citizens, persons with disability, at overseas Filipino workers upang makakuha ng passport.

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.