Mob mentality: Bakit masamang basta-basta naniniwala sa social media | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mob mentality: Bakit masamang basta-basta naniniwala sa social media

Mob mentality: Bakit masamang basta-basta naniniwala sa social media

Pia Regalado,

ABS-CBN News

Clipboard

MANILA -- Nitong Lunes, nangyari ang karumal-dumal na krimen kay Mark Vincent Geralde, isang siklista na nakaaway ang isang driver dahil sa trapiko sa Quiapo, Maynila.

Martes nang kumalat sa social media ang video ng pag-aaway ng dalawa na napunta sa suntukan na nauwi sa paghugot ng baril ng suspek mula sa sasakyan nito saka pinagbabaril ang biktima.

Dahil dito, agad umaksyon ang mga nakanood ng naturang video, na kalauna'y naging viral, para matunton ang noo'y hindi pa kilalang suspek.

ADVERTISEMENT

Isa ang Top Gear Philippines sa nag-post ng litrato ng sasakyan at driver ng umano'y suspek na noo'y tinukoy na si Nestor Punzalan.

Ngunit nitong Martes din ay dumulog si Punzalan sa National Bureau of Investigation (NBI) at itinanggi na siya ang may-ari ng tinukoy na sasakyan.

Naglabas naman ng public apology ang Top Gear Philippines, partikular na ang kanilang editor na si Vernon Sarne, para iklaro ang maling pag-akusa kay Punzalan.

Sa kabila ng paglilinaw, inamin ni Punzalan at ng misis nito na nakatanggap sila ng samu't saring pambabatikos at pananakot kabilang na ang death threat sa social media, na siyang dahilan para i-deactivate ang kanyang account.

Samantala, lumitaw sa imbestigasyon na ang Army reservist na si Vhon Tanto ang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Geralde. Kinilala na rin ito ng isang testigo.

'MOB MENTALITY'

Dahil sa inabot na "online shaming" ni Punzalan, nagpaalala si Prof. Christine Cox ng Department of Communication Research ng University of the Philippines (UP) Diliman na kailangang sigurado muna ang netizens sa ibinabahagi nila sa social media.

"Since 'yung information sobrang dami, mahirap i-filter so hindi nila alam san papanig o saan maniniwala."

Aniya, sa bilis ng paglabas ng mga balita at impormasyon sa social media, mabilis din ang panghuhusga.

"By then, lahat ng tao gusto makisali sa usapan pero hindi nila alam ang buong istorya, picture lang nakikita mo tapos konting description. Nagiging emotional sila, parang may mob mentality," banggit nito.

Sa naunang panayam ng ABS-CBN News, ipinaliwanag ng psychiatrist na si Randy Dellosa ang "mob mentality," o ang paniniwala sa mga aksyon o impormasyon na popular o viral.

Nasanay aniya ang marami na hindi na nagsasaliksik bago magpakalat ng impormasyon.

"Kasi sa technology, mas participative tayo kasi madali na, halos lahat tayo may mobile phones, madali mag-comment," ani Cox.

Nabanggit din ni Dellosa na madaling magbitaw ng negatibong emosyon tulad ng galit, kalungkutan, at pananakot sa social media dahil hindi nito personal na kilala at malayo ito sa taong inaakusahan o pinupukol.

Ipinaalala ni Cox na sa may disclaimer ang Top Gear Philippines sa kanilang post, ngunit hindi na ito gaanong binigyang pansin ng netizens.

"Meron naman silang disclaimer, meron silang text na they don't have the full story yet, hindi siya confirmed pero minsan hindi naman tinitingnan ng mga tao 'yan so kahit may disclaimer sa kasunod na kwento, lumaki na eh."

Paalala ni Cox para hindi na maulit ang maling pag-akusa at pag-cyberbully, suriing mabuti ang ipino-post sa social media para hindi na makadagdag sa maling impormasyon na kumakalat.

Payo pa nito:

- siguraduhing lehitimo ang websites o pages na sinusunod sa social media
- siguraduhing na-verify at galing sa lehitimong source ang nabasa
- magbasa mula sa ibang source para makasigurado.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.