Pagkilala sa biktima ng batas militar, sampal sa mukha ng Marcoses

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2017 09:20 PM | Updated as of Apr 11 2017 09:54 PM

The memorial wall at the Bantayog ng mga Bayani shows the hundreds of documented victims of Martial Law. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MANILA - Ayon sa isang biktima ng pang-aabuso noong martial law, higit pa sa matatanggap na salapi ang halaga ng pagkilala ng pamahalaan sa sinapit ng mga biktima ng batas militar noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Tingin ni Bonifacio Ilagan, isa sa libu-libong biktima ng martial law, isang maliwanag na patunay ito sa palagiang itinatanggi ng pamilya Marcos na paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang pagpatay at walang habas na pagdakip, sa ilalim ng pamamahala ng dating diktador. 

"This is one argument that the Marcoses o yung kanilang tagapagtanggol cannot contradict. Even if they do so, nakasulat. Of course, sinikap ni Bongbong na kontrahin ang bill when it was discussed in Congress pero hindi siya nanalo. So ito, pwede naming isampal sa kanilang mukha," ani Ilagan sa isang panayam sa ANC.

Pinapatukuyan ni Ilagan ang Republic Act No. 10368
o ang "Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013,” na isang pagkilala ng estado sa abusong sinapit ng human rights victims noong panahon ng diktaturya. 

Kagaya ng marami, dumaan sa matinding torture si Ilagan at ang kaniyang kapatid na babae noong Martial Law.

Kasama din sila sa inisyal na 4,000 na biktimang kinilala ng Human Rights Victims' Claims Board na makatatanggap ng danyos na bahagi ng pagpapatupad ng batas.

May P10-billion nakalaan na pondo upang mabigyan ng reparation ang mga biktima ng batas militar.

"I have two letters, one for me and one on behalf of my sister. We've waited for this for the longest time. It was a relief, katunayan na yung aming ipinaglalaban ay nagbunga and sabi nga namin this is much more than money, it's the recognition," sabi ni Ilagan.

Mahirap at mahaba man ang proseso upang marating ito, ayon kay Ilagan, marami pa rin sa kanilang mga kasamahan ang nagdesisyong hindi sumailalim dito "dahil ayaw nilang alalahanin ang nakaraan."

Sa panig niya, napatawad na niya ang mga nagpahirap sa kanya noon dahil alam niyang napagutusan lamang sila o naging instrumento ng mga pag-abuso. Ang tunay na arkitekto ng lahat ng ito, aniya, ay si Marcos, sa pamamagitan ng Proclamation 1081 na idineklara nong Sept. 21, 1972. 

"They have to be held accountable for what happened. Hindi nga sila napaparusahan anyway you look at it," sabi niya.

Ferdinand Marcos. Agence France Presse

Ang masakit, aniya, ay ang naranasan niyang torture at ang mawalan ng kapatid.

"And here are the Marcoses nagsasabing no such thing happened...na kung mayroon man hindi iyun ang norm at dapat bygones be bygones, kalimutan na lang, move on," dagdag niya.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila alam kung ano ang kinasapitan ng kanyang babaeng kapatid na dinukot sa Makati noong panahon ng diktaturya.

"On the day that we were supposed to meet for the second time, she did not come, then I received information na missing na rin ang aking kapatid," sabi niya.

Makatatanggap ang kanyang kapatid ng pinakamataas na puntos para sa danyos. 

"Ang eligible sa highest point ay yung salvage o extrajudicially killed sa yung abducted, missing. I feel weird na nare-reduce sa point system yung aming paghihirap. But syempre, there's no way to measure," sabi niya.

75,000 CLAIMANTS

Napag-alaman niyang may mahigit sa 75,000 pang claimants ang patuloy na sinusuri ng claims board.

Sa pulong nila kasama si Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero, napag-alaman nilang may 30,000 claims nang napasadahan ang claims board.

"And of this 30,000 plus, 4,000 yung nabigyan na ng points. Kaya lang, dahil di pa nila tiyak kung ilan talaga ang claimants, partial muna ang ibibigay nila to satisfy our demand na ano pa hinihintay ninyo? Ang daming namamatay na, hinihintay yung perang pang tulong sa kanilang gamot," paliwanag niya.

"Finally, nung sabi ni Presidente na gawan na ng aksiyon 'yan, then it happened. Ito na, nagpadala na sila ng letters."

Bagama't kilalang taga suporta ng pamilya Marcos si Duterte, alam din nito na may maling naganap noong batas militar, ayon kay Ilagan.

"The President is difficult to define. Nung nag-usap kami, sabi niya itong batas na ito, referring to Republic Act 10368, is meant to right a wrong. Ibig sabihin alam niya na may mali doon sa batas militar at itong batas na ito nagtutumpak doon sa mali na yun," sabi niya.

Matatandaang nailibing si Marcos noong Nobyembre sa isang pribadong seremonyas sa Libingan ng mga Bayani matapos itong payagan ni Duterte.

Nagsilbi ang namayapang ama ni Duterte na si Vicente sa gabinete ni Marcos.

Pero sa kabila nito, hindi pa rin magiging kumpiyansa ang mga biktima ng Martial Law.

"Sa amin, we have to be on guard at i-monitor lahat ng kanyang statement," sabi ni Ilagan.

Hahatulan din umano nila ang planong palawigin pa ang panahon ng claims board.

"Natapos na talaga yung prescription ng batas. They are working for an extension right now. Ang problema pag nag extend, mababawasan na naman yung idi-distribute sa mga claimants," aniya.

Dahil dito, lalo umanong magtatagal ang proseso."Ang solusyon namin, dagdagan ang kanilang tao at no expense sa kanila. That would be the better approach," pahayag niya. 

Samantala, wala din umano silang natatanggap na update hinggil sa non-monetary compensation para sa mga biktima ng diktaturya, gaya ng libreng serbisyo mula sa Department of Health, Department of Education at TESDA, at maging ang pagtatayo umano ng isang museo.

Habang di malayong pumanaw na ang henerasyon nilang naging biktima ng batas militar, nais ni Ilagan na maibahagi sa mga kabataan ang katotohanan ukol sa batas militar.

"But if we are able to tell the generations now and the generations to come na ganito talaga ang nangyari at ito ang katunayan, kung 'yung lessons ng aming karanasan ay matututunan at mai-apply sa buhay ng mga susunod na salinlahi, that's going to be the fulfillment," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.