John Lloyd, binigyan ng 'P3 million ring' si Ellen?

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 03:46 PM

Sa gitna ng mga haka-haka ukol sa estado ng kanilang relasyon, isang showbiz columnist ang nagsasabing binilhan ni John Lloyd Cruz ng engagement ring ang iniuugnay sa kaniyang si Ellen Adarna.

Nitong Martes, nag-post ang beteranang kolumnista na si Lolit Solis sa Instagram ng larawan ni Ellen na may bitbit na aso. Hagip sa retrato ang isang singsing sa kamay ni Ellen.

Ayon kay Lolit, engagement ring umano ito na nagkakahalagang halos P3 milyon.

"Sarap pala magmahal John Lloyd ... yellow princess cut perfect diamond ang give niya kay Ellen na almost 3M (million) ang presyo, ang mahal ng engagement ring ni Ellen ha," isinulat ni Lolit sa caption.

"Mukhang forever talaga ang pagmamahal sa kanya ni John Lloyd," dagdag pa nito.

Sinabi ni Lolit na nakausap umano niya ang pinagbilhan ni John Lloyd ng singsing.

Pero hindi malinaw kung saan nakuha ni Lolit ang retrato ni Ellen o kung kamakailan lang ba kinuhanan ang retrato.

Naging maugong ang usap-usapang buntis si Ellen kay John Lloyd matapos hindi dumalo ang sexy actress sa isang fashion show noong nakaraang buwan.

Tumanggi ring magbigay ng kompirmasyon si Pia Campos, ang manager ni Ellen, at ipinagpaubaya kay Ellen ang karapatang magbahagi ng kalagayan nito.

Mayroon ding lumutang na video sa social media na ipinapakita si Ellen na nagbubukas ng regalo mula kay John Lloyd.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.