Manager ni Ellen, sinagot ang isyung buntis ang aktres

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2017 11:25 PM | Updated as of Nov 21 2017 07:48 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kapansin-pansin ang pagliban ni Ellen Adarna sa "Under the Stars" fashion show ng kilalang clothing brand na Bench nitong Sabado, Nobyembre 18.

Marami ang nag-abang sa sana'y pagrampa ni Ellen, lalo na't ibinahagi pa niya sa kaniyang Facebook page ang mga retrato para sa okasyon.

Ayon sa isang showbiz news site, nagdadalantao si Ellen.

Subalit wala pang malinaw na kumpirmasyon hinggil dito.

Ayon naman sa source ng TV Patrol, ang anumang rebelasyon ni Ellen ay depende sa kaniyang advertising contracts na magtatapos sa Bagong Taon.

Nakasaad kasi umano sa ilang advertising contract ang clause na bawal magbuntis ang isang babaeng endorser sa loob ng panahon ng kontrata.

Pinaalala naman ng manager ni Ellen na ang aktres lang ang may karapatang magbahagi ng kaniyang kalagayan.

Saad ng pahayag ni Pia Campos: "At the moment, I can assure you that Ellen is well and happy. And if there are rumors to be admitted or dispelled, it's her story to tell when she is ready to do so."

("Sa kasalukuyan, natitiyak kong masaya si Ellen. Kung mayroon mang mga tsismis na dapat mabigyan ng linaw, siya lang ang may karapatang magbunyag kapag handa na siya.")

Noong Setyembre, kumalat sa social media ang mga retrato at video ng bakasyon sa Cebu nina Ellen at ng iniuugnay sa kaniyang aktor na si John Lloyd Cruz. 

Sinundan din ang mga social media post ng dalawa habang nasa Europa

Suportado naman si Ellen ng mga kasamahan sa industriya.

"They both love each other so I'm happy for them," ani Beauty Gonzalez.

Nagpahayag din si Piolo Pascual ng suporta para kay John Lloyd.

"We're always gonna be here as a friend, as a family. I'll protect him as a brother," pahayag ni Piolo.

Si Piolo ang pansamantalang humalili kay John Lloyd sa programang "Home Sweetie Home." 

Una nang sinabi ni Ellen na pangarap niyang magkaroon ng anak bago siya mag-30 anyos sa Abril 2018. 

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.