'Duet' ni Jake Zyrus at Charice, kasado na

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 06:23 PM

MANILA -- Matagal mang hindi naka-akyat sa entablado si Jake Zyrus, aminado siyang mas mataas ang kompiyansa niya ngayon dahil lantad na ang kanyang tunay na pagkatao.

Nakausap ng ABS-CBN News ang singer sa press con ng kanyang paparating na konsyerto. Aniya'y ibang lebel ang galak niya para sa nalalapit na pagtatanghal.

"I'm so excited kasi finally I'll be able to express the real me sa mga kababayan natin," paglilinaw ni Jake.

Sa pagkakataong ito, malaya na raw siyang tingnan sa mata ang kanyang fans dahil wala na siyang tinatago sa mga ito. Pati ang kasalukuyang kasintahan niya ay kilala na rin nila.

Ayon sa kanya, siya mismo ang namili ng mga awit mula sa iba't ibang genre. Wala umano siyang reservations pagdating sa piniling kanta dahil "music is music," at nais lamang niyang mapasaya ang kanyang fans.

Samantala, naging usap-usapan naman noong mga nakaraang linggo ang pinaka-highlight ng palabas -- ang pakikipag-duet ni Jake kay Charice, ang dati niyang pagkatao.

"Cool na cool" na ideya raw ito, ani Jake. Kaya naman talagang ginawan ng paraan ng organizers na matuloy ang duet.

"Pero huwag naman silang mag-expect na hahatiin ko 'yong katawan ko," pabirong dagdag ni Jake.

Hindi man niya maipapangakong may biritang magaganap, sinisiguro ni Jake na tunay ang "sincerity and confidence" na matutunghayan ng mga manonood.

Mapapanood ang concert sa Music Museum sa ika-6 ng Oktubre. -- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News