Police car biglang pumasok sa EDSA busway; bus naaksidente sa pag-iwas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Police car biglang pumasok sa EDSA busway; bus naaksidente sa pag-iwas

Police car biglang pumasok sa EDSA busway; bus naaksidente sa pag-iwas

Lyza Aquino,

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 28, 2023 03:38 PM PHT

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Itinakbo sa ospital ang 5 pasahero matapos maaksidente ang isang bus na umiwas sa police car na biglang pumasok sa EDSA busway nitong Miyerkoles ng hapon.

Sa kuha ng dashcam ng bus na ibinahagi ng Department of Transportation (DOTr), makikita ang sasakyan ng pulisya na biglang pumasok sa EDSA bus lane.

Sumalpok naman ang bus sa railing ng MRT-3-Santolan southbound station nang tinangka nitong umiwas sa police car, sabi ng DOTr sa Facebook.

“Tumatakbo yung bus natin pagkatapos may biglang papasok na police car, so iniwasan nung bus. Otherwise, di niya iiwasan, tatamaan niya kotse ng PNP,” sabi ni DOTr Command and Control Operations Center Chief Charlie Del Rosario.

ADVERTISEMENT

Nagtamo ng galos, bukol at matinding pagkahilo ang 5 pasahero. Ligtas silang nakalabas sa ospital kinalaunan, sabi ng DOTr.

HINDI OTORISADO

Dagdag ni Del Rosario, hindi otorisado na dumaan sa bus carousel lane ang nasabing sasakyan ng pulisya.

“Hindi po [ito] patrol vehicle ng PNP po, so hindi po ho siya dapat papasok sa busway,” paliwanag niya.

Mga piling sasakyan lamang ang puwedeng dumaan sa exclusive bus lane, sabi niya.

“Sa government po lima lang po ang puwedeng dumaan diyan. Iyong ating Presidente ng Pilipinas, yung bise presidente ng Pilipinas, yung ating pong Speaker of the House of Representatives, Senate President at Chief Justice of the Supreme Court,” sabi ni Del Rosario.

"Pagkatapos po yung mga bus na authorized lang po na dumaan dito sa EDSA bus carousel... Yung isa pa po d'yan, ito pong ambulansya, fire truck at saka Philippine National Police na rumeresponde o nasa emergency.”

Iginiit ni Del Rosario na hindi lahat ng PNP mobile ay puwedeng dumaan sa EDSA carousel lane.

“Iyon lamang pong patrol vehicle nila, alam po natin ung mga patrol vehicle yung mga may blinker, yan ung may mga marks ng PNP [ang puwedeng pumasok sa bus lane],” sabi ni Del Rosario.

DRIVER NG POLICE CAR

Kakasuhan ng reckless driving ang pulis na nagmamaneho ng police mobile na sangkot sa insidente.

"Kausap na po namin yung district director ng QCPD (Quezon City Police District) at kakasuhan po yung pulis natin ng reckless driving dahil sa nangyaring insidente kung saan pumasok nga po siya doon sa bus carousel lane," sabi ni PCol. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police.

Dagdag niya, ni-relieve na sa pwesto ang pulis na nakatalaga sa National Police Training Institute at inihahanda na rin ang kasong administratibo laban sa kanya.

"Nakausap na rin po natin mam yung director ng National Police Training Institue at pini-prepare na rin po nila yung pagsampa po ng administrative case laban po dito sa pulis na may hawak po at nagda-drive po ng PNP vehicle," ayon kay Fajardo.

Ayon sa Quezon City police Traffic Sector 4, nagka-areglo ang mga pasahero at bus operator sa insidente, at nangako ang kumpanya ng bus na sasagutin ang medical bills ng mga nasugatan.

Paalala naman ng DOTr sa mga authorized vehicle na papasok sa loob ng EDSA Busway, "Maging maingat dahil prayoridad pa din ang kaligtasan ng pasahero ng bus sa lahat ng oras."

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.