Pagiging kritiko ni Percy Lapid, di isinasantabi ng pamilya bilang motibo sa pamamaslang
ABS-CBN News
Posted at Oct 05 2022 07:07 AM
MAYNILA—Nakaburol na ang mga labi ng pinaslang na mamamahayag na si Percival Mabasa na kilala ding si "Percy Lapid".
Simula Martes ng gabi, marami na ang mga kamag-anak ilang kasamahan sa trabaho at mga kaibigan ng pamilya, ang pumunta sa unang lamay ng pinaslang na radio broadcaster.
Pasado alas-8 ng gabi noong Lunes nang tambangan siya at pagbabarilin habang nasa loob siya ng kaniyang sasakyan sa BF Resort village sa Las Piñas City.
Ayon sa kapatid nito na si Roy Mabasa na nagsisilbing tagapagsalita ng pamilya, hihintayin nila ang magiging resulta ng imbestigasyon sa pamamaslang. Nagpapasalamat sila sa binuong special investigation task group na tutulong para mas mapabilis ang pagresolba sa kaso.
Inatasan na ng PNP ang isang Special Investigation Task Group na magpresenta ng mga impormasyon na magbibigay linaw sa pamamaslang sa loob ng 24 oras.
Ayon kay Roy, ayaw na munang magboluntaryo ng pamilya ng kahit anong pangalan sa pulisya sa ngayon na posibleng maiuugnay sa krimen. Ipinapaubaya nila umano ang lahat sa PNP.
Naibigay na ang kuha sa dash camera ng biktima na isa pa sa inaasahan na makakatulong sa imbestigasyon.
Ayon kay Roy, malaking tulong kung magbibigay ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagpapaimbestiga sa pagpatay sa kaniyang kapatid.
“Napakahalaga ng magiging boses ng ating Pangulo sa ganitong mga pagkakataon. Unang una, 'yung pagdadalamhati, maibsan man lang ang pagdadalamhati ng pamilya ... na matutukan ng mabuti 'yung kaso at magtalaga ng competet na imbestigador. And I am sure darating din tayo sa dulo na merong mga taong maa-unmask dito sa nangyaring insidenteng ito,” aniya.
Pero saad niya, hindi nila isinasantabi ang anggulo na may kinalaman sa pagiging kritiko ng kapatid niya sa mga programa nito ang dahilan sa krimen.
Wala naman anila itong naikukwento na may banta sa kanyang buhay. Maging sa pamilya, wala naman na na naiku-kwento din ang biktima sa may banta ito sa buhay.
Sa Linggo na nakatakda ang libing ni Percy.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news