Pateros, naglaan ng takdang oras para sa mga kukuha ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 10:18 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nasa 800 kinatawan ng mga pamilya mula sa Barangay Sta Ana sa Pateros ang nakatakdang tumanggap ng cash aid o ayuda para sa enhanced community quarantine sa Barangay San Roque covered court ngayong Martes.

Pero kahit alas-9 ang umpisa ng bigayan ng ayuda, wala pang pila ng mga tao dahil may takdang oras lamang na ibinigay para sa mga tatanggap ng ayuda.

Nanawagan din si Pateros Mayor Ike Ponce sa mga residente na pumunta lang sa payout site sa takdang oras na ibinigay.

Nakahati sa tig-isa't kalahating oras na schedule ang bigayan sa lugar.

Tig-200 lang na tao ang nakalista sa bawat schedule.

May bigayan din ng ayuda sa isa pang covered court sa Barangay Martirez para rin sa Barangay Sta Ana na pinakamalaking barangay sa Pateros.

Kung wala sa schedule o sa ibang oras pa, paghihintayin ang residente.

May dumating ng halos isang oras bago ang simula ng bigayan na isinailalim na sa validation para diretso na sa teller kapag nagsimula ang schedule.

Mahalagang magdala ng government ID o kung wala kailangan pa dumaan sa validation desk ng barangay para maisyuhan ng "certificate of oneness" na patunay na sila ang nakalista rin sa masterlist.

Kung hindi naman makapunta sa schedule maglalaan ng araw para sa lahat ng hindi umabot.

- TeleRadyo 17 Agosto 2021