Batanes, 2 linggo nang pinaghahandaan ang pagdaan ng bagyong 'Betty'
ABS-CBN News
Posted at May 29 2023 11:47 PM
Dalawang linggo na umanong pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ng Batanes ang pagdaan ng bagyong Betty.
Ayon kay Governor Malou Cayco, maaga silang naghanda para sa bagyo, lalo na’t nauna nilang narinig na isa itong super typhoon.
“Sana po ay dumaan na po ito para po makahinga kami, ilang linggo na ho kaming nagpe-prepara ho dito sa bagyong ito dahil sa news ho ay super typhoon ho. Dalang-dala na ho kami sa super typhoon dito sa Batanes. Halos 2 weeks na ho kaming naghahanda dito,” aniya.
Sa kasalukuyan, nakakaranas ng malakas an hangin sa lalawigan ngunit mahina pa ang pag-ulan.
Inaasahan naman nilang lalakas ito Lunes ng gabi hanggang Martes ng madaling araw habang papalapit sa Batanes ang mata ng bagyo.
Ayon pa kay Cayco, mayroon naman silang suplay ng tubig at kuryente, ngunit kasalukuyan silang nakakaranas ng brownout mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga dahil naantala ang pagdating ng langis mula sa National Power Corporation.
“May tubig ho kami, may power ho kami pero may problema ho kami kasi from 10 pm to 6 am brownout ho kami dito dahil na-delay ang pagdating ng fuel ng Napocor dahil sa bagyo,” aniya.
“‘Pag matagal ang bagyong ‘to, baka madagdagan pa ‘yung kawalan ng power dito sa Batanes,” dagdag pa ni Cayco.
Nakahanda rin umano ang lokal na pamahalaan na mamigay ng bigas at iba pang relief goods sa mga maaapektuhan ng bagyo, lalo na ang mga mangingisda na may isang linggo nang hindi nakakalaot.
Kasalakuyang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes at sa hilagang silangang bahagi ng Cagayan dahil sa bagyo.
Bagama’t inaasahang hindi magla-landfall ang bagyo, kasalukuyan itong kumikilos nang mabagal sa may bahagi ng karagatan ng Batanes.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
BettyPH, bagyo, Bagyong Betty, Tagalog news