The Correspondents CA Throwback: Pesteng pumapatay sa mga niyog
Sherwin Tinampay, ABS-CBN News
Posted at Feb 28 2023 12:54 PM
Ilang taong sumira sa puno ng niyog sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas ang 'coconut leaf beetle' o 'brontispa.'
Sa dokumentaryo ni Abner Mercado noong 2007, napag-alaman na nitong Agosto 2005 nang magsimula itong mameste sa mga niyugan sa Bicol region.
Ang brontispa, may scientific name na 'Brontispa longissima,' ay pesteng hindi nanggaling sa Pilipinas kundi sa mga kapitbahay nating bansa sa Southeast Asia.
'Brontispa longissima' na pumapatay sa isang puno ng niyog kapag hindi napuksa.
Nakasingit ang mga ito sa mga umuusbong pa lamang na dahon ng niyog.
"'Yung niyog kapag mayroon nang brontispa, nagda-dry 'yung pinaka-young leaves, nagda-dry po 'yun and then pagka matagal na, parang burnt na siya, brownish po 'yung color na puwede pong makaapekto sa puno hanggang sa mamatay siya pagka hindi ma-control 'yung peste," paliwanag ng agriculturist na si Lourdes Martizano ng Philippine Coconut Authority sa Barcelona, Sorsogon.
Kapag hindi napuksa ang mga brontispa, maaaring hindi na makapamulaklak o magkaroon ng bunga ang isang puno ng niyog.
Isang uri ng kemikal ang ginagamit ng mga magsasaka para ito ay puksain pero hindi ito inirerekomenda ng ilan na pangmatagalan dahil sa epekto nito sa mga kalikasan at maging sa tao.
"Dapat talaga lahat ma-inform na 'yung puno na tinreat namin, may mga markings kami doon so kailangan na iwasan nila na kumuha ng bunga sa puno na may marka," babala ni Martizano.
SAKIT SA ULO NG MGA MAGSASAKA
Lubhang apektado ang mga magsasaka oras na magkaroon ng brontispa ang kanilang mga puno ng niyog.
Kapag ginamot ang isang puno, tatlo o hanggang anim na buwang hindi makaaani ang mga magsasaka para palipasin ang epekto ng kemikal sa puno.
"Talaga pong malaking sakripisyo sa part ng farmer kaya lang po sabi namin sa kanila kung hindi tayo magsasakripisyo mas grabe ang magiging epekto nito sa kanila kung mamamatay 'yung puno kasi wala na silang pagkukunan," paliwanag ng grupo ni Martizano sa mga magsasaka.
Panoorin ang kabuuan ng dokumentaryong 'Brontispa: Peste sa mga niyog' ng programang 'The Correspondents' na unang ipinalabas sa ABS-CBN Channel 2 noong 2007.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Current Affairs, CA Throwback, Current Affairs Throwback, Abner Mercado, Epidemya, Brontispa, Niyog