BALIKAN: 19 taon ng 'TV Patrol Weekend' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

BALIKAN: 19 taon ng 'TV Patrol Weekend'

BALIKAN: 19 taon ng 'TV Patrol Weekend'

Anjo Bagaoisan,

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 19, 2023 08:48 PM PHT

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

MAYNILA (UPDATE) — Hindi “TV Patrol Weekend” ang unang balitaan tuwing weekend ng ABS-CBN, pero sa 19 taon nito, siya na ang pinakamatagal na weekend news program sa bansa.

Sa halos 2 dekada, ibinalita ng newscast ang mga malalaking pangyayaring pumutok sa loob at labas ng Pilipinas sa mga araw na karaniwang nagpapahinga ang mga manonood.

Una itong umere bilang “TV Patrol Sabado” sa ABS-CBN Channel 2 noong Pebrero 14, 2004, Valentine’s Day.

Ayon kay Dondi Garcia, ang unang executive producer ng programa at kasalukuyang head of news production ng ABS-CBN Integrated News, naisip ng management na i-extend ang long-running at nangungunang newscast na “TV Patrol” hanggang sa weekend dahil sa mga nagiging balita sa mga araw na ‘yon.

ADVERTISEMENT

Sina Henry Omaga-Diaz at Ces Oreña-Drilon ang nagsilbing mga unang anchor ng programa.

Makalipas ang 3 buwan, nagkaroon na rin ng “TV Patrol Linggo” noong May 9, 2004, na kumupleto sa buong-linggong pagpapatrol.

“Napakaimportante kasi ng TV Patrol Weekend dahil napupuno nito ‘yong kakulangan sa pagbabalita tuwing weekend na supposedly nagababakasyon ang tao, dapat relaxed ang mga tao.,” kuwento ni Omaga-Diaz, na kasalukuyang main anchor ng “TV Patrol”.

“Anumang araw, anumang panahon, anumang sitwasyon, nandoon ang ABS-CBN sa pagbibigay ng tama at makatotohanang paagbabalita. No weekends, ika nga.”

Kasabay pang umeere noon ang noo’y weekend newscast ng ABS-CBN na “The Weekend News”, na nagsimula noong dekada ‘90 sa wikang Ingles at nauwi sa late-night na oras.

Pagsapit ng 2005, namaalam na rin ang “The Weekend News” sa ere.

Kasunod nina Omaga-Diaz at Drilon, naging bahagi rin ng programa sina Bernadette Sembrano, Alex Santos, Pinky Webb, hanggang sa kasalukuyang tandem nina Alvin Elchico at Zen Hernandez.

Tumapat sa unang dekada ng “TV Patrol Weekend” (naging “Weekend” ang pangalan ng programa noong Hulyo 2, 2010) ang mga balita ng trahedya at makasaysayang pahayag.

Kabilang dito ang pagkamatay ni Pope John Paul II noong 2005; ang Ultra stampede at pagdeklara ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng state of emergency noong 2006; pagkamatay ni dating pangulong Corazon Aquino noong 2009; at ang pambobomba sa Taft noong 2010 bar exams.

Nagsilbi ring tulay ng impormasyon at tulong ang newscast sa mga bagyo o sakunang sumalanta o naramdaman ang epekto noong weekend, gaya ng Ondoy noong 2009; Sendong noong 2011; Yolanda noong 2013; at pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020.

Hindi rin mawawala ang mga magagandang balita at kuwento, tulad ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015 at mga laban ni boxing champ Manny Pacquiao na natatapat tuwing Linggo.

Bukod sa mga nagbabagang balita, tampok din ng “TV Patrol Weekend” ang iba’t ibang public service segment sa nakalipas na 19 taon.

Unang bersyon nito ang “Isang Tawag Ka Lang” ni Henry Omaga-Diaz na tumutugon sa mga pangangailangan ng indibidwal o komunidad.

Itinuloy ito ng mga segment na “Tapat Na Po”, “Kulang Sa Pansin” at “Busina sa Petrolyo” na nakatuon sa kapakanan ng mga mamamayan at konsyumer.

Nagbigay-pokus naman ang mga segment na “Kuwentong Obrero” at “Hanap: Buhay” sa isyung manggagawa.

Nagdala naman ng katatawanan, balik-alaala at inspirasyon ang mga light segment gaya ng “Tambayan ni Marc Logan”, “Miss Ko ‘To”, at “Bida sa Social Media”.

“Para tuwing weekend may ibang inaabangan din ‘yong mga audience,” ani Omaga-Diaz.

Sa “TV Patrol Weekend” din unang pinatikim sa mga manonood ang ilang panibagong hakbang sa pagbabalita gaya ng unang full newscast ng ABS-CBN sa high definition noong Abril 1, 2018.

Dumating man ang pandemya at pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN, hindi pa rin bumitaw ang weekend Patrol sa mga kuwentong apektado ang bawat Pilipino.

Halimbawa nito ang pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020, at sa nakaraang taon lang, ang kampanya sa Halalan 2022, shooting sa Ateneo De Manila University, ang mga pila para sa payout ng education assistance ng Department of Social Welfare and Development, at ang pag-hostage kay Senador Leila De Lima.

Ika ng isa sa mga nakaraang linya ng programa, “Dahil kung nasaan ang balita, naroon kami.”

Patuloy na mapapanood ang “TV Patrol Weekend” tuwing alas-6 ng gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at ABS-CBN News YouTube.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.