Bulkang Taal nag-alboroto; mga residente pinalilikas

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2020 05:07 PM | Updated as of Jan 12 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nabuga ng aabot sa 100 metrong taas na abo ang bulkang Taal ngayong Linggo, ayon sa Phivolcs, dahilan para ipanawagan ang pagpapalikas sa mga residente sa paligid ng bulkan.

Magmula nitong alas-11 ng umaga ay naramdaman din ang mga volcanic earthquake.

Bandang alas-1 ng hapon ay nagkaroon ng "phreatic explosion" o "phreatic eruption" ang bulkan, dahilan para lumaki ang binubugang usok sa paligid nito, ayon kay Phivolcs officer in charge Renato Solidum sa panayam sa DZMM.

 

Itinaas ang alert level 2 bandang 2:30 ng hapon at kalauna'y inakyat pa sa alert level 3 bandang alas-4 ng hapon, base sa abiso ng Phivolcs kung saan sinasabing may "magmatic unrest" sa bulkan.

Bandang alas-8 ng gabi, itinaas sa alert level 4 ang bulkan, hudyat na maaaring magkaroon pa ng mapeligrong pag-alboroto.

"Puwede pa silang makakita ng increased na pag-usok at pagsabog dahil sa mainit na usok na lumalabas at earthquakes. Dapat pinaghahandaan ito nang mabuti," ani Solidum.

Ayon kay Solidum, binabantayan nang mabuti ang bulkan magmula pa noong nakaraang taon.

Huling naitala ang pinakamalaking pag-alboroto ng bulkan noong Oktubre 3, 1977.

Pinalilikas na ng Phivolcs ang mga residente na nasa Taal Volcano island.

Pinaghahanda na rin ng Phivolcs ang mga nakatira malapit sa Taal Lake.

Pinaalaahanan ng Phivolcs ang publiko na hindi maaaring lumapit sa main crater ng bulkan dahil posibleng maglabas ito ng mga nakalalasong volcanic gas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nagsagawa na ng precautionary evacuation ang mga bayan ng Balete, San Nicolas, at Talisay, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesman Mark Timbal.

-- May ulat nina Dennis Datu, April Magpantay, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.