Home > News Lalaking nang-blackmail umano ng ex gamit ang nude video, tiklo ABS-CBN News Posted at Feb 14 2023 06:34 AM Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Watch more on iWantTFC MAYNILA - Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos magbanta na ikakalat ang maseselan nilang larawan at video ng dati niyang karelasyon sa Barangay 103, Caloocan City. Magdadalawang taong anibersaryo na sana sila ng dati niyang nobya ngayong buwan ng pag-ibig nang makipaghiwalay ito sa kanya. Pero hindi pumayag ang suspek at dito na nagsimula ang kanyang pamba-blackmail sa babae. Ayon sa report ng Caloocan City police, nagreklamo ang biktima matapos ipasa ng lalaki sa kanyang kaibigan ang screenshot ng video habang ito ay naliligo. Sinabi rin ng lalaki na buburahin lamang niya ang nude video kung makikipagkita ito sa kanya. Agad nagsagawa ng entrapment operation ang Northern District Anti-Cybercrime Team (NDACT) at Caloocan City Police Sub-Station 2 kahapon kung saan nadakip ang suspek. Itinanggi naman ng suspek ang krimen at sinabing gusto lang niyang makipag-ayos sa biktima. Sa ngayon, susuriin pa ng pulisya ang narekober na cellphone mula sa lalaki. Mahaharap naman ang suspek sa patong-patong na kaso ng VAWC, grave threat, grave coercion, at paglabag ng anti-photo and video voyeurism law. - Ulat ni Karen De Guzman, ABS-CBN News Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. Share Facebook Twitter LinkedIn Viber TeleRadyo, Tagalog news Read More: Caloocan City blackmail grave coercion anti-photo and video voyeurism law