PatrolPH

Mga karinderya dumidiskarte na lang para makatipid sa LPG

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2023 07:19 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Inaasahang tataas ang presyo ng liquified petroleum gas o LPG ngayong Pebrero.

Umaabot na kasi sa P9 kada kilo ang itinaas sa contract price sa world market, na katumbas ng mahigit P100 kada 11 kilogram na tangke.

Aminado ang may mga karinderya sa epekto nito lalo't mahal pa rin ang presyo ng ilang bilihin.

Sa isang araw kasi, nasa isa hanggang dalawang tangke ang LPG ang nauubos ng mga may karinderya lalo na ang mga marami ang mga niluluto.

Kaya naman kanya-kanyang diskarte ang mga ito para makatipid. 

Isa sa mga ginagawa nila ay bawasan ang lakas ng apoy para hindi gaanong makonsumo.

Dahil hindi sila basta basta makakapagpataas din sa presyo ng paninda, isa rin sa mga gagawin sakaling malaki ang dagdag sa presyo ng LPG ang bawasan na muna ang serving ng pagkain.

Ang 11 na kilo na LPG ay nasa P914 ang presyo, depende sa brand nito.

Umaasa ang mga consumer lalo na ang mga may karinderya na maliit lang ang itaas nito lalot naga-adjust pa rin sila sa pabago-bagong presyo ng bilihin gaya ng mga gulay lalo na ang sibuyas.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.