Konduktora ng bus sinilaban ng pasahero sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2021 09:31 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Dalawa ang patay at 4 ang sugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City nitong Linggo.

Patay ang konduktorang si Amelene Sembana at isang hindi pa kilalang lalaki, ayon sa inisyal na ulat ng QC Bureau of Fire Protection.

Ayon kay Valentino Obligasion, 45, driver ng Fairview Bus na may plate number NAL 6673 at body number 1606, may binuhos ang isang lalaking pasahero sa kaniyang konduktora na naging sanhi ng pagliyab.

"Hindi ko alam kung ano ang binuhos, kung gasolina o alcohol," aniya. 

Ani Jennifer Lutao, isang pasahero, binuhusan ng lalaking pasahero ang konduktora ng hinihinalang gaas na nakalagay sa isang maliit na bote.

"Nagbabangayan sila eh. Sabi ng lalaki 'ano sabi mo, ano sabi mo?' Tapos kumuha siya ng lighter tapos sinindihan niya 'yung konduktora kaya nagliyab po sa harapan ng driver," kuwento ni Lutao.

Ayon naman kay Jhoanna May Ervera, isang testigo, mabilis na lumaki ang apoy dahil sa dami ng plastic barrier.

Naiulat ang nasunog na sasakyan alas-12:57 ng tanghali sa Pearl Drive Commonwealth, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Idineklara ang fire out alas-1:20 ng hapon, sabi ni SF03 Francisco Mabunga ng QC Central Fire Station.

Hindi kaagad tinukoy ng mga imbestigador kung ang hindi pa nakikilalang bangkay ay sa kaaway ng konduktora. 

ABS-CBN Teleradyo, January 4, 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.