Bamboo lamp shades na likha ng PDLs sa Maguindanao, patok sa komunidad
ABS-CBN News
Posted at Jun 02 2023 03:41 PM
Nakamamangha at naggagandahan ang disenyo ng mga bamboo lamp shade na likha ng persons deprived of liberty (PDLs) sa Upi Municipal Jail sa Maguindanao.
Ang paggawa ng bamboo lamp shades ay siya ring pinagkakakitaan nila bilang tulong sa pamilya at komunidad.
Sa pangunguna ng Livelihood officer ng Upi Municipal Jail na si Jail Officer 1 Charis Mae Carrasco, ang programang ito na sinimulan noong Marso ay inilunsad para sa recreation at skills enhancement ng PDLs.
Ito ay bilang pagtupad sa isa sa core programs ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Tayo, kung sinuman sa ating komunidad, minsan, masayang-masaya tayo 'pag nakakakita ng madaming ilaw. Parang nakakagaan ng pakiramdam. Kaya noong sinimulan po namin itong bamboo lampshades, alam kong may impact siya,” sabi ni Carrasco.
Mula sa inspirasyong ito ay umusbong ang talento ng PDLs dahil kahit walang prebilehiyo sa internet connection, ay nakaisip sila ng sarili at orihinal na disensyo na patok sa komunidad — at papasa rin maging sa ibang bansa.
Isa itong patunay na kahit may madilim silang pinagdadaanan sa loob ng piitan ay makapagbibigay sila ng liwanag para sa kanilang mga mahal sa buhay sa labas, anang jail officer.
“Malaking bagay, dahil sa araw-araw na iniisip nila para sa kanilang pamilya, kahit papaano ay may libangan sila na kumikita rin sila,” sabi naman ni Jail Inspector Omar Sespeñe II.
Ang bamboo lamp shades ay ginagawa sa loob nang 1 linggo hanggang 10 araw, lalo na kung ito ay may komplikadong disenyo.
Ang kawayang ginagamit ay kailangang patuyuin nang maayos para mas maganda ang kalidad.
Nagkakahalaga ang bamboo lamp shades ng P400 hanggang P1,100 bawat isa.
Bukod dito ay gumagawa rin sila ng mga basahan, mga bulaklak na gawa sa cellophane at plastic, garden sets, at plant racks na sikat noong panahon ng pandemya.
Mabibili ang mga produkto ng PDLs sa Facebook page ng Upi Municipal Jail.
— Milgrace Dueñas, ABS-CBN News Intern
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, TeleRadyo, PatrolPH, regions, regional news