Panibagong oil-price rollback, ikinatuwa ng mga motorista
ABS-CBN News
Posted at Aug 16 2022 06:49 AM | Updated as of Aug 16 2022 07:05 AM
MAYNILA—Ikinatuwa ng mga motorista ang panibagong oil-price rollback nitong linggo.
Dahil mababa ang presyo ng produktong petrolyo sa isang gasolinahan sa lungsod-Pasig, palagi ang pila rito ng mga motorista.
Mula tricycle, mga jeep, malalaking trak at kahit pribadong sasakyan dumarayo rito para magpakarga.
Simula Lunes ng gabi, naubos na ang gasolina dito dahil sa maraming nagpakarga.
Sa buong Metro Manila ito ang may pinakamurang gasolina at krudo, ayon sa monitoring ng Department of Energy.
Ayon sa mga gasoline attendant, nasa P2 hangang P3 din ang deperensya ng presyo nila kumpara sa ilang gasolinahan.
Ang krudo rito nasa P67.60 ang kada litro nasa P64.10 naman ang gasolina habangang kerosene nasa P79.25.
Magpapatupad pa sila ng rollback kaya mababawasan pa ito. Nasa P1.05 ang rollback kada litro ng diesel, at P.10 kada litro naman ng gasolina habang nasa P0.45 ang kada litro ng kerosene.
Ipapatupad ang rollback sa karamihan ng mga gasolinahan.
Para sa mga jeepney driver, malaking bagay na ang ika-pitong beses na rollback. Mas malaki na raw ang kita nila ngayon kahit papaano.
Kahit mababa na ang presyo ng krudo, dumidiskarte pa rin ang ibang mga jeepney driver na dumarayo rin sa gasolinahan na mura ang presyo. Para matantiya ang krudo, kada ikot sa kanyang ruta isang litro lang ang kinakarga nila.
Dahil may rollback, atsaka na lang sila ulit magpapakarga ng marami.
Inaasahan na mas marami ang magpapakarga.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news