Presyo ng ilang uri ng bigas, tumaas nang P4

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2023 12:49 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Isinisisi ng grupong Bantay Bigas ang pagtaas ng presyo ng bigas sa Rice Tarrification Law.

Simula March 1, napansin na ng ilang mamimili na tumaas na ang presyo ng bigas mula piso hanggang P4 sa merkado depende sa klase.

Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ng tagapagsalita ng grupo na si Cathy Estavillo na hindi nararamdaman ang epekto ng batas dahil walang ginagawang aksyon ang gobyerno.

Kahit aniya may imported na bigas, mataas pa rin ang presyo sa merkado.

Giit pa ni Estavillo, hindi rin naman nangyayari ang ipinangakong P25 kada kilo na halaga ng bigas sa loob ng 4 na taong ipinatutupad ang batas. Sa halip, lalo pa nitong pinataas ang presyo ng bigas, lalo na ang mga lokal na uri, dahil nawala na rin sa pagkawala ng murang National Food Authority (NFA) rice na nasa P27-32.

Ayon pa sa tagapagsalita, kung dati ay dama ng mga retailer ang pagbaba ng presyo ng bigas tuwing anihan, ngayon ay hindi bumababa ang presyo kahit tuloy-tuloy ang ani.

--TeleRadyo, 16 Marso 2023