PatrolPH

Presyo ng sibuyas at ilang gulay bumaba na

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2023 06:41 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nasa P350/kilo pa rin ang bentahan ng sibuyas sa Mega Q Mart sa Quezon City dahil ayon sa mga nagtitinda, wala pa rin silang makuhang murang supply nito.

Pero may ilan na ibinibigay na ng P330/kilo ang sibuyas kaya ang ibang mamimili konti lang ang binibili dahil sa mataas pang presyo.

Ang iba sa palengke na namimili ng sibuyas dahil kung sa mga tindahan sa kanilang lugar mas mahal ang bentahan. Umaabot ito ng P20 pesos kada maliit na piraso.

Karamihan sa mga gulay ngayong Huwebes ay bumababa ang presyo.
Ang talong ay nasa P100 ang kilo, ampalaya nasa P140 kada kilo. Mura ang kamatis na P60 lang ang kilo.

Maging ang siling labuyo nasa P180 hanggang P200 ang kilo, at ang bawang ay P90 kada kilo.

Ang sitaw ay nasa P140 ang kilo.

Sa mga Baguio vegetables naman, walang paggalaw sa presyo ayon sa mga nagtitinda. Ang carrots ay P80 ang kilo. Ang patatas at pipino ay nasa P120 ang kilo habang nasa P80 ang kilo ng repolyo.

Samantala ang itlog, mataas pa rin ang presyo pero may makukuha nang medyo mura na nasa P7.50 ang piraso. Meron ding P7.80 ang piraso. Ayon sa mga nagtitinda, marami ang mga namimili nito dahil mura kumpara sa mga regular size na itlog na nasa walong piso ang pinakamura.

Mas mura ang bentahan ng gulay sa bagsakan area malapit sa Mega Qmart. Ang sibuyas dito ay nasa P280 ang kilo. Marami rin ang puting sibuyas na nasa P280 din ang presyo. —Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.