'Chambe' music video ni Alex Gonzaga, nag-trend

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 03:53 PM

Screenshot mula sa music video ng "Chambe" ni Alex Gonzaga

Muling napukaw ni Alex Gonzaga ang pansin ng mga netizen sa pamamagitan ng music video ng bago niyang kantang "Chambe."

Sa katunayan, nanguna na ang music video ng "Chambe" sa listahan ng YouTube ng mga top trending video sa Pilipinas, na ibinahagi ni Gonzaga sa isang tweet ngayong Miyerkoles.

Habang sinusulat ang istoryang ito, umani na ng 1.3 milyon view ang music video, na nai-post sa YouTube noong Linggo, Nobyembre 18. 

Inspirasyon sa likod ng kanta ni Gonzaga ang kaniyang pamangkin na si Severiano Elliott, anak ng ate niya na si Toni at Paul Soriano, na binigyan ni Gonzaga ng palayaw na "Chambe."

Watch more in iWant or TFC.tv

Dati nang inaawit ni Gonzaga sa pamangkin ang salitang "Chambe," na may tonong hango sa kantang "Laki sa Layaw" ni Mike Hanopol.

Pero kamakailan lang ito ginawa ni Gonzaga sa isang kumpletong kanta, na may kasama pang rap at signature dance move na mapapanood sa video.

Tampok din sa music video si Toni, ang mga magulang nila ni Alex, at ang nobyo ni Alex na si Mikee Morada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.