Santa: Saan ka pupunta? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Santa: Saan ka pupunta?

Santa: Saan ka pupunta?

Text by Fernando G. Sepe Jr.,

photo and video by Mark Demayo,

ABS-CBN News

Clipboard

Ramiro M. Hinojas, 19 na taon na traffic enforcer, suot ang kanyang Santa Claus suit noong Nobyembre 30, 2023 para sa kanyang trabahong magmando ng traffic sa Macapagal Avenue sa Pasay City. Mark Demayo, ABS-CBN News

Pupunta ka ba sa MOA, o pupunta ka ba sa EDSA?

Kahit saan ka patungo sa Macapagal Avenue, siguradong dadaan ka kay Santa. Kaya you better watch out, he's gonna find out who's naughty or nice, Santa is in town!

'Yan si Ramiro M. Hinojas, 57-taong gulang, at tubong Bacolod. Dalawampung taon nang may asawa at tatlo ang anak.

Labing-siyam na taon nang traffic enforcer si Hinojas, at mula 2006 ay sa Macapagal Avenue na siya naka-assign. Isang araw ay naisipan niyang isuot ang sombrero ni Santa noong panahon ng Pasko. Dito siya nakita ng isang negosyante na nag-volunteer na igawa siya ng buong Santa costume. Ilang araw lang ay naibigay na sa kanya ng negosyante ang gawang costume at sinimulan na itong isuot habang nagta-traffic.

Si Ramiro M. Hinojas ay may mga kakaibang indak habang nagmamando ng traffic sa Macapagal Avenue na kinagigiliwan ng mga motorista. Mark Demayo, ABS-CBN News
Si Ramiro M. Hinojas ay may mga kakaibang indak habang nagmamando ng traffic sa Macapagal Avenue na kinagigiliwan ng mga motorista. Mark Demayo, ABS-CBN News

Ang negosyante rin, na ngayon ay nasa Amerika na, ang nag-suggest sa kanya na lagyan ng konting indak ang pagmamando sa trapik. Doon na simulang napansin ng mga motorista si Santa enforcer.

Sabi ni Hinojas sa pag-sayaw niya naipapakita ang ibang style ng pagta-trapik para hindi naman mainip ang mga motorista habang naghihintay magpalit ng traffic light. "Kasi yun yung gusto nila yung makakakita ng bago. Pinapalakpakan nila ako pag nakikita nila na kekendeng-kendeng," dagdag ni Hinojas.

"Napapansin ko naman sa kanila, masaya naman sila sa pamamagitan ng pag-sesenyas nila sa akin... sinasabi nga nila, tuloy mo lang yung ginagawa mo, nasa likod mo kami, ang karamihan ng sinasabi sa akin," kuwento ni Hinojas.

Sabi ni Ramiro M. Hinojas, kahit na mainit at buong araw nakatayo, nilalagyan na lang niya ng indak at kakaibang suot para may mapanood ang mga motorista. Mark Demayo, ABS-CBN News
Sabi ni Ramiro M. Hinojas, kahit na mainit at buong araw nakatayo, nilalagyan na lang niya ng indak at kakaibang suot para may mapanood ang mga motorista. Mark Demayo, ABS-CBN News

Kwento ni Hinojas, may mga bumubusina, sumesenyas at nagbibigay sa kanya ng pagkain o ibang bagay. Masaya na daw siya na napapangiti niya ang ibang motorista, kahit na mainit at mahirap ang ginagawa niya sa gitna ng kalye.

Pero may mga pasaway din. Isang beses, may nagbigay ng karton ng pagkain. Dinala niya ito kasama ng isang security guard sa kanilang break. Pagbukas nila ay mga tira-tira at buto ng manok ang laman.

"Parang biniro kami. Hayaan mo na lang, may mga ganun talagang tao," ani Hinojas.

Ginagawa na rin ni Ramiro M. Hinojas ang pag-alalay sa mga tumatawid, bukod pa sa ibang tulong sa mga tao sa lugar bilang pagpapabuti sa kanyang trabaho. Mark Demayo, ABS-CBN News
Ginagawa na rin ni Ramiro M. Hinojas ang pag-alalay sa mga tumatawid, bukod pa sa ibang tulong sa mga tao sa lugar bilang pagpapabuti sa kanyang trabaho. Mark Demayo, ABS-CBN News

Dating security guard si Hinojas, pero na-layoff siya. Malaki ang pasasalamat niya na may trabaho pa rin kaya naman pinagbubuti niya ito at ginagawang serbisyo para sa mga tao.

"Yung aking pag-Sasanta Claus, panata ko na ito sa mga motorista habang andidito pa. Kasi ang katwiran ko, lahat tayo mawawala sa mundo. At least yung ginagawa ko sa gitna na yan, kahit papaano hindi nila makakalimutan."

ADVERTISEMENT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.