FACT CHECK: ‘Di ito larawan ng pinsala ng bagyo sa Cotabato City noong Oktubre 29

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Oct 30 2022 04:54 PM

FACT CHECK: ‘Di ito larawan ng pinsala sa Cotabato City

Hindi sa Cotabato City nakuha ang litratong ito na diumano’y nagpapakita ng pinsalang dulot ng pananalasa ng bagyong Paeng sa Pilipinas nitong Sabado, Oktubre 29. Ang kumakalat na litrato ay nilapatan ng tekstong “Cotabato City.” Ito ay kasama sa mga kumakalat sa social media ngayon na mga litratong nagpapakita ng kalagayan ng iba’t ibang lugar sa bansa sa gitna ng hagupit ng bagyong Paeng kahapon.

Ang totoo ay kasama ang litratong ito sa mga litratong ipinost ng netizen na si Luciano Nunes sa kaniyang Facebook account noong Pebrero 28 ngayong taon na may caption na “flooding in Fairfield Brisbane.” Nakuhanan ang litratong ito matapos ang malawakang pag-ulan at pagbaha sa Southeast Queensland kung saan isa ang Brisbane sa matinding natamaan. 

Ang litrato ay ginamit ng ABC News sa kanilang artikulo nito lang Setyembre tungkol sa imbestigasyon na ginawa sa nasabing pagbaha sa Brisbane noong Pebrero. Makikitang krinedito ng ABC News ang litrato kay Nunes.

Ang bagyong Paeng ay nagdulot ng malakas na pag-ulan na naging sanhi ng pagbaha at landslide sa Cotabato City at mga karatig na bayan sa Mindanao.

ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.