Peke ang mga dokumentong ginawang basehan ng paratang na nagpalipat umano ng 3,500 metric tons ng ginto mula sa Switzerland patungong Bank of Thailand si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kasabwat ang ilang mga opisyal, taliwas sa sinasabi ng isang video ng YouTube Channel na “Mimaa Alicia" noong Hunyo 25.
Pinabulaanan na ito ng mismong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa isang pahayag na kanilang inlabas noon pang 2017. Ayon sa BSP, peke at mali-mali ang mga nilalamang impormasyon ng dokumentong ipinakita ng mga nagsampa ng reklamong plunder laban kina Aquino at anim pang opisyal tungkol sa diumano’y gold shipment. Pero paulit-ulit pa rin itong ipinakakalat sa social media hanggang ngayon.
Background
Noong Enero 6, 2017, sinampahan ng reklamong graft at plunder sa Ombudsman sina Aquino, noo’y Interior Secretary Mar Roxas, Justice Secretary at Senator Leila De Lima, Senator Franklin Drilon, Finance Secretary Cesar Purisima, at BSP Governor Amando Tetangco Jr. dahil sa diumano’y paglilipat ng 3,500 toneladang ginto mula Swizerland patungong Thailand.
Inihain ang reklamo ng abogadong si Fernando Perito at ni Rogelio Cantoria, na diumano’y nanilbihan sa BSP mula 1976 hanggang 1995.
Ayon sa mga nagsampa ng reklamo, ang ginamit umanong basehan nila Aquino para maglipat ng tone-toneladang ginto ay isang dokumentong may pamagat na “BSP Circular No. 49 series of 2004.”
Pero pinabulaanan ng BSP ang nasabing dokumento. Ayon sa BSP, peke ito at mali-mali ang mga impormasyong nakasaad dito.
Ayon kay BSP Assistant Governor at General Counsel Elmore Capule sa isang pahayag noong 2017, ang orihinal na BSP Circular No. 49, na siyang ginamit na basehan ng mga nagsampa ng reklamo laban kay Aquino, ay inilabas noong 1994 at hindi noong 2004.
Iba rin daw ang nilalaman nito at walang kinalaman sa diumano’y gold shipment.
Wala rin daw kinalaman ang mga batas na Republic Act (RA) 7655 at 7735 na binanggit sa pekeng circular bilang legal na basehan ng diumano’y gold shipment.
Ang RA 7655 ay tungkol sa dagdag sahod ng mga kasambahay, habang tungkol sa pagpapatayo ng Lorenzo S. Sarmiento Sr. National High school sa Davao ang RA 7735.
Ipinunto rin ni Capule na sa pekeng BSP Circular, makikita ang umano’y pirma ng ilang miyembro ng gabinete at ng Senate president. Pero ayon kay Capule, tanging mga opisyal ng BSP lamang ang pumipirma sa mga circular nito.
Bukod sa pekeng circular, ipinunto sa mga ulat ng media na mali ang nakalagay na posisyon nina dating Senator Leila De Lima at Interior Secretary Mar Roxas sa inihaing reklamo nina Cantoria at Perito.
Pinangalanang “Nutrition and Local Government” Secretary si Roxas sa halip na Interior and Local Government Secretary. Si De Lima naman, tinawag na Finance Secretary sa reklamo sa halip na Justice Secretary, na siya niyang posisyon noong panahon na iyon.
Paulit-ulit na ipinakakalat sa social media
Sa kabila ng pagtanggi ng opisyal ng BSP sa nasabing dokumento, paulit-ulit pa rin itong ipinakakalat sa social media.
Noong Hunyo 2016, unang lumabas ang kopya ng pekeng BSP circular sa isang Facebook post. Lumabas din ang kopya nito sa artikulo ng "Trending News Portal" na may pamagat na "3,500 Metric Tons Of Gold na Idineposito Sa Thailand Bank Noong Pamamahala Ni Aquino!" noong Setyembre ng taong ding iyon.
Muling inilabas ang artikulong ito noong Enero 2017, nang nagsampa ng reklamo sina Perito at Cantoria sa Ombudsman.
Enero 10, 2017 lumabas ang isang news report ng UNTV kung saan iginiit ng organisasyong Transnational Anti Organized Crime-Intelligence Group (TAOC-IG) na totoo diumano ang nakalap nilang dokumento kaugnay sa diumano’y gold shipment, bagama’t itinanggi na ito ng BSP noong panahon na iyon.
Ayon sa website ng Securities and Exchange Commission (SEC), ang TAOC-IG Inc. ay isang “non-stock corporate organization” na nakarehistro sa ahensya noong 2014. Mayroon din itong order of revocation mula sa SEC na inilabas nitong Mayo 26, 2022.
Ang nasabing UNTV report na ito ay ipinakita rin ni Mimaa Alicia sa kanyang video bilang patunay na totoo diumano ang bintang. Pero hindi na makita ng ABS-CBN Fact Check Team ang report na ito ngayon sa YouTube channel ng UNTV.
Noong Hunyo 3, 2022, ipinakalat muli ng YouTube channel na “KAPATID AVINIDZ” ang nasabing paratang at pekeng BSP Circular.
Unang Fact Check ng News5
Ang pekeng video ni “KAPATID AVINIDZ” ay na-fact check ng News 5 noong Hunyo 24. Ayon sa News5, bukod sa peke ang dokumentong “BSP Circular No. 49 of 2004” dahil hindi tugma ang nilalaman nito sa orihinal na BSP Circular No. 49, mali rin ang mga batas na binanggit sa naturang dokumento.
Sinabi rin ng News5 na walang supply ng ginto ang Pilipinas na aabot sa 3,500 metric tons ayon sa World Gold Council.
Pero kinontra din ni Mimaa Alicia ang fact check ng News5. Ayon sa kanya:
“Guys merong isang vlogger na finact check ng News5. E natatawa naman ako, finact check nila pero ifa-fact check natin sila […] Meron pong 141-billion scandal ang dating Jabnoy (Noynoy Aquino) sa kapanahunan niya. ‘Yung pera na iyon, ginamit para sa pagpapadala ng tone-toneladang ginto doon sa Thailand. “
Para suportahan ang kanyang umano’y fact check, nagpakita ang vlogger ng mga lumang news clips ng mga panayam sa mga nagsampa ng reklamo laban kina Aquino kaugnay ng gold shipment. Iginiit pa rin ni Mimaa Alicia na “totoo talaga ang 3,500 metric tons [na ginto].”
Ito ay kahit na napatunayan nang peke ang dokumentong ginawang basehan para sa nasabing reklamo.
Sa ngayon ay wala pang update sa media kung ano ang naging resulta ng nasabing reklamo laban kina Aquino sa Ombudsman.
Samantala, umani na ng mahigit 9,000 views at 1,200 likes ang video ni “Mimaa Alicia” sa YouTube. Dati na ring na-fact check ng ABS-CBN ang isa pang video mula sa naturang channel noong Hunyo.
-With research by Mildred Mira, ABS-CBN Investigative & Research Group
ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.