Hindi totoong wala nang utang ang Pilipinas dahil binayaran na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, taliwas sa sinasabi ng isang YouTube video ni “Mimaa” noong Mayo 22.
Ang video ay may pamagat na: “WALA NANG UTANG ANG PILIPINAS! BINAYARAN NA NI DUTERTE! KASO HINDI BINALITA NG ABS, GMA, RAPPLER.”
Maririnig sa video ang voice over o pagsasalaysay na ito: “Okay, bago po umalis si [Pangulong Rodrigo] Duterte or bago siya aalis ng kanyang termino sa pagkapangulo ay binayaran na niya ho ang 300 billion na utang sa central bank loan sa Pilipinas.”
Nagpakita rin si Mimaa sa video ng screenshot ng isang artikulo ng Manila Bulletin at nilapatan ito ng audio ng isang news report na parehong tungkol sa pagbabayad ng utang na ito ng gobyerno.
Pero ang totoo, ang P300 billion na sinasabi sa video na nabayarang utang umano ng gobyerno sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay bahagi lamang ng domestic debt ng Pilipinas at hindi katumbas ng total outstanding National Government debt o kabuuang utang ng gobyerno.
Sa katunayan, nitong Enero, umabot sa P8.37 trillion ang domestic debt ng Pilipinas. Mas mataas ito kumpara noong Disyembre ng nakaraang taon, ayon sa inilabas na ulat ng Bureau of the Treasury noong Marso 4.
“NG domestic debt amounted to P8.37 trillion, which is P197.38 billion or 2.4% higher compared to the end-December 2021 level. This is primarily due to net availment of domestic financing amounting to P197.04 billion including the P300 billion provisional advances availed by the NG from the BSP for budgetary support.”
Ayon sa Department of Finance, ang nasabing P300 bilyon at iba pang mga provisional advances na tulad nito ang nakatulong sa gobyerno para maipagpatuloy ng gobyerno ang mga programa nito sa kabila ng pandemya.
Mali rin ang paratang ng video ni “Mimaa” na hindi ibinalita ng mga media organization ang pagbabayad ng utang ng gobyerno sa BSP.
“So ABS-CBN, Rappler, GMA, nanawagan ho kaming mga bloggers, please naman paki-cover itong nabayarang 300 billion na loan na utang ng Pilipinas.”
Ang totoo, ibinalita ito ng ABS-CBN News noong Mayo 20.
Iniulat din ito ni ABS-CBN News reporter Warren de Guzman sa Twitter at nabanggit din ito sa kanyang report sa Market Edge ng ANC noon ding araw na iyon.
Nitong Abril, pumalo sa P12.76 trillion ang kabuuang utang ng Pilipinas, ayon sa ulat ng Bureau of the Treasury noong Hunyo 2.
Sa ngayon, umani na ng mahigit 48,000 views at 4,700 likes ang video na ito ni “Mimaa” sa YouTube.
- With research by Mildred Mira, ABS-CBN Investigative & Research Group
ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.