FACT CHECK: ‘Di si Cory Aquino ang pumirma ng batas para sa kontraktuwalisasyon | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: ‘Di si Cory Aquino ang pumirma ng batas para sa kontraktuwalisasyon

FACT CHECK: ‘Di si Cory Aquino ang pumirma ng batas para sa kontraktuwalisasyon

ABS-CBN Investigative and Research Group

Clipboard

Factcheck

Hindi totoong si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino ang pumirma ng batas para sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa. Taliwas ito sa paratang ng isang video na in-upload ng YouTube channel na “KAPATID AVINIDZ.”

Sa nasabing video na may titulong “Oh! Kabataan alam mo ba ito? Kasaysayang itinago ng mga Pinklawan!” ay maririnig ang ganitong voice over o pagsasalaysay:

“Narito ang mga malalaking proyekto ni dating pangulong Maria Corazon Cojuangco Aquino […] Number 13, nag-approve ng contractual 5 months, pabor sa mga negosyanteng Chinese.”

Taliwas sa paratang ng video, walang nangyaring ganito noong panahon ni Aquino, na nagsilbing pangulo mula 1986 hanggang 1992.

“Wala akong na-encounter during the time ni [Cory] Aquino na there was a law that was passed by Congress or executive order issued by the President on contractualization or any contractual arrangement,” ayon sa pahayag sa ABS-CBN Fact Check Team ni Atty. Jose Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers.

ADVERTISEMENT

Sa katunayan, noong administrasyon pa ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. naipasa ang batas na nagbigay-daan sa kontraktuwalisasyon, aniya.

Noong Mayo 1, 1974, dalawang taon matapos ideklara ang Martial Law sa bansa, nilagdaan ni Marcos ang Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines.

Sabi ni Matula, nakasaad sa Article 106 at 109 ng nasabing batas ang mga probisyon na nagbigay-daan sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa.

Ang Article 106 ang nagbigay ng mga probisyon tungkol sa contracting at subcontracting ng mga empleyado, ayon kay Matula. Sabi sa batas:

“There is ‘labor-only’ contracting where the person supplying workers to an employer does not have substantial capital or investment in the form of tools, equipment, machineries, work premises, among others, and the workers recruited and placed by such person are performing activities which are directly related to the principal business of such employer.”

Ang Article 109 naman ang nagsasaad ng mga obligasyon at pananagutan ng employer o contractor sa kanilang mga empleyado. Ayon sa batas:

“Every employer or indirect employer shall be held responsible with his contractor or subcontractor for any violation of any provision of this Code.”

Bagama’t inamyendahan ang Labor Code noong panahon ni Aquino ng Republic Act 6715 o ang tinatawag na “Herrera Law,” hindi ginalaw ang mga nasabing probisyon hinggil sa kontraktuwalisasyon, ayon kay Matula.

”May mga tao na nagke-claim na si Herrera raw ang dahilan ng contractualization. Pero walang basehan 'yan, walang legal basis yan,” ani Matula.

Matatandaang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan ang kontraktuwalisasyon o “endo”, nang nangangampanya pa ito noong 2016.

Noong Marso 2017, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Department Order 174 o ang “Rules Implementing article 106 and 109 of the Labor Code.”

“Ang labor only contracting, na sa kasalukuyan ay pinagbabawalan naman sa implementing rules and regulation ng DOLE… ay salungat sa mga karapatan ng manggagawa para sa kasiguraduhan sa trabaho," sabi ni Matula.

Ayon sa kaniya, ang mismong batas na ang kinakailangang baguhin dahil hindi na ito epektibo.

Noong Mayo 2018 naman ay naglabas si Duterte ng Executive Order No. 51 na mariing nagbabawal sa kontraktuwalisasyon.

Ayon sa Section 2 ng EO 51:

“Contracting and Subcontracting when undertaken to circumvent the worker’s right to security of tenure, self-organization and collective bargaining, and peaceful concerted activities pursuant to the 1987 Philippine Constitution, is hereby strictly prohibited.”

Pero noong Hulyo 2019, vineto ni Duterte ang Security of Tenure Bill o ang Anti-Endo Bill dahil masyado raw nitong pinalawak ang saklaw at depinisyon ng ipinagbabawal na uri ng “labor-only contracting.”

Ayon sa veto message ng Pangulo: “Indeed, while labor-only contracting must be prohibited, legitimate job contracting should be allowed, provided that the contractor is well capitalized, has sufficient investments, and affords its employees all the benefits provided for under the labor laws. Businesses should be allowed to determine whether they should outsource certain activities or not…”

Si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. naman ay nagsabi noong panahon ng kampanya na ipa-“fine-tune” niya ang Security of Tenure o Anti-Endo bill. Aniya, isusulong niya ang security of tenure at mga polisiyang magbabalanse sa interes ng mga manggagawa at management.

Sa kasalukuyan, ang video ni KAPATID AVINIDZ ay umani ng 283,000 views, 17,000 likes at 1.8,000 na comment sa YouTube.

-With research from Adrian Kenneth Halili, ABS-CBN Investigative & Research Group

ABS-CBN News is part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.