FACT CHECK: ‘Di totoong boluntaryo ang ROTC noong termino ni Cory Aquino | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: ‘Di totoong boluntaryo ang ROTC noong termino ni Cory Aquino

FACT CHECK: ‘Di totoong boluntaryo ang ROTC noong termino ni Cory Aquino

ABS-CBN Investigative and Research Group

Clipboard

FACT CHECK: ‘Di totoong boluntaryo ang ROTC noong termino ni Cory Aquino

Hindi totoong naging boluntaryo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) noong termino ni Pangulong Corazon Aquino.

Taliwas ito sa video na inupload ni “KAPATID AVINIDZ” sa YouTube noong Mayo 14.

Sa video na may titulong “Oh! Kabataan alam mo ba ito? Kasaysayang itinago ng mga Pinklawan!”, inisa-isa ang mga umano'y malalaking proyekto ni Aquino. Kabilang sa mga ito ang pagiging boluntaryo diumano ng ROTC.

Maririning ang isang voice over o pagsasalaysay na: “Narito ang malalaking proyekto ni dating pangulong Maria Corazon Cojuangco Aquino… Number 6, ginawang voluntary ang ROTC.”

ADVERTISEMENT

Bagama’t may naipasang batas tungkol sa ROTC noong panahon ni Aquino, hindi ito para gawing boluntaryo ang ROTC.

Batay sa Republic Act 7077 o “Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act” na naipasa noong 1991, mandatory ang military training para sa mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad.

Nakasaad din dito na mandatory ang unang dalawang taon ng sa ROTC o ‘yung tinatawag na “basic ROTC.” Ang tanging ginawang boluntaryo ay ang dagdag na dalawa pang taon ng ROTC training o ‘yung tinatawag na “advanced ROTC.”

Lumipas pa ang mahigit isang dekada bago naging boluntaryo ang ROTC nang pirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Enero 2002 ang National Service Training (NSTP) Act of 2001.

Nakasaad sa naturang batas na “optional” at “voluntary” ang ROTC na isa na lamang sa tatlong bahagi ng NSTP. Kasama nito ang Civic Welfare Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTS).

Nakasaad din na isa ang RA 7077 sa mga inamyendahang batas dahil sa pagkakaroon ng mga probisyon na hindi naaayon sa bagong batas.

Naisabatas ang NSTP Act matapos ang kontrobersiyal na pagkamatay ng ROTC cadet ng Unversity of Sto. Tomas na si Mark Welson Chua noong 2001. Pinatay umano si Chua ng mga kapwa kadete matapos nitong ilantad ang umano’y korapsyon sa ROTC ng unibersidad.

Bagaman boluntaryo sa ngayon ang ROTC sa Pilipinas, posible pa ring gawing mandatory ang military service batay sa Article 2, Section 4 ng Saligang Batas:

"The prime duty of the Government is to serve and protect the people. The Government may call upon the people to defend the State and, in the fulfillment thereof, all citizens may be required, under conditions provided by law, to render personal, military or civil service.”

Sa ngayon ay may mga nananawagan na muling ibalik ang mandatory ROTC sa bansa, kabilang na sina Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ito’y para mapabuti umano ang pagdepensa sa mga teritoryo ng Pilipinas, at magsilbing inspirasyon sa pagmamahal sa bansa at disiplina sa mga kabataan. Ayon pa kay Lorenzana, kulang na ang mga reserve officer ng bansa matapos gawing boluntaryo ang ROTC.

Nito lamang Enero, sinabi rin ng noo’y vice-presidential candidate na si Sara Duterte-Carpio na nais niyang isulong ang mandatory military service para sa lahat ng Pilipinong 18 taong gulang pataas kung mahahalal siyang bise-presidente.

Pero inamin din ni Lorenzana na may mga hamong kakaharapin ang mungkahing mandatory military service, kabilang na ang pondo para sa pagpapatupad nito. Maaari rin daw itong ipatupad sa mga estudyante ng senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Sa ngayon, mayroon nang 290,000 views at 17,000 likes ang video na ito ni “KAPATID AVINIDZ”.

ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.