PatrolPH

1 babae, bata biktima ng panggagahasa kada oras - Philippine Commission on Women

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 06:43 PM | Updated as of Mar 07 2019 07:46 PM

Watch more News on iWantTFC

Nasa isang babae o bata ang nabibiktima ng panggagahasa kada oras, ayon sa tala ng Philippine Commission on Women (PCW).

Sa datos, 23 kababaihan o kabataan ang nabibiktima ng rape o panggagahasa kada araw, katumbas ng halos isang kaso kada oras.

Sa kanilang tala, 75 porsiyento ng mga naitalang kaso ng rape ay mga batang may edad 1 hanggang 17 ang biktima.

Samantala, nasa isang babae o bata ang nabibiktima ng karahasan gaya ng domestic abuse kada 20 minuto. Pinakatalamak daw dito ang pisikal, emosyonal, at ekonomikal na pag-aaabuso.

Sa tala naman ng National Demographic and Health Survey, 2 sa 5 biktima ang hindi nakakapag-sumbong sa mga awtoridad sa kanilang naranasang karahasan.

Nababahala na rin daw ang grupong Center for Women's Resources (CWR) lalo't lumalala umano ang mga kaso ng pang-aabuso dahil na rin sa social media.

"Pagba-blackmail sa kababaihan. Pagfi-film ng sexual acts... Hindi na peers ang nakakakita kundi globally... Mas nagiging abusive," ani CWR Executive Director Jojo Guan.

Ayon sa PCW, mas mababa ang mga kaso ng panggagahasa kung ikukumpara noong 2017, pero hindi pa raw kumbinsido ang kanilang hanay dito.

"We need more research to determine if the decrease really means it's not happening or the incidents have actually decreased," ani PCW executive director Emmeline Versoza.

Pero iginiit ng grupong Gabriela na sanhi rin ang tila naging normal nang kultura ng kawalan ng pagpapahalaga sa mga kababaihan sa mga pahayag umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa mga babae.

"Na-e-embolden ang ibang kababayan natin na gumawa pa lalo ng karahasan sa kababaihan," ani Gabriela Secretary General Joms Salvador.

Nanawagan din sa mga mambabatas ang PCW na gawing prayoridad ang pag-amyenda sa mga batas laban sa rape at sexual harassment.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.