‘Kawang-gawa para kay Pacquiao’: OFWs sa Malaysia, tumulong magbenta ng ticket | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

‘Kawang-gawa para kay Pacquiao’: OFWs sa Malaysia, tumulong magbenta ng ticket

‘Kawang-gawa para kay Pacquiao’: OFWs sa Malaysia, tumulong magbenta ng ticket

Karl Cedrick Basco,

ABS-CBN News

Clipboard

Para sa komunidad ng mga Pilipino sa Malaysia, natural lang para sa kanila na tulungan ang kababayang si Manny Pacquiao na maipakalat ang balitang lalaban siya ngayong Linggo. Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

KUALA LUMPUR—Saan mang panig ng mundo, mga Pilipino pa rin ang tutulong sa kapwa Pilipino — may kapalit man o wala.

Ito ang pinatutunayan ng mga Pilipino sa Malaysia sa kanilang kusang-loob na pagtulong sa pagbebenta ng ticket at pag-aanunsiyo ng laban ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa lungsod na ito ngayong Linggo.

Matapos mailabas sa publiko ilang buwan na ang nakakaraan, sinalubong ng kabi-kabilang isyu ang bakbakang Pacquiao-Lucas Matthysse kagaya ng muntikan umanong hindi pagtuloy ng laban.

Inamin din ng MP Promotions, ang may hawak sa laban, na nagkaroon din ng aberya sa promotion team na taga-Malaysia na siyang inatasan nilang magpakalat ng mangyayaring boxing event.

ADVERTISEMENT

Kuwento ni Myrna Pacquing, 20 taon nang nagtatrabaho sa Malaysia bilang household worker, may kakulangan nga umano sa promotion ng magiging laban ni Pacman sa Axiata Arena.

“Kung na-advertise locally maraming pupuntang local na Malaysians kasi marami nagtatanong ng ticket,” ani Pacquing sa ABS-CBN News.

Dagdag naman ni Divina Grace Cruz, vice president ng Federation of Filipinos Association in Malaysia (FFAM), na kahit sa mga kalsada ay hindi gaanong nagkalat ang posters ng laban ni Pacman at Matthysse.

“Maraming billboards dito pero wala kami nakitang kay Pacquiao at sa kalaban niya. Siguro nagkulang sa promotion at advertisements,” pahayag ni Cruz.

Kaya naman bilang tugon sa una’y tahimik na pagtanggap ng Malaysia sa laban, nagsasama-sama ang mga Pilipinong nasa bansa upang tulungan ang embahada ng Pilipinas na mag-anunsiyo at magbenta ng ticket para sa mga kababayan nila.

Nagsimulang magbenta ang Philippine Embassy sa Malaysia ng discounted ticket para sa mga Pinoy, dalawang lingo bago ang muling pagtuntong ni Pacquiao sa loob ng ring.

“Mayroon kaming FB page tsaka sa Embassy, may table doon. So ‘yung mga member namin, pinapapunta namin doon,” paglalahad ni Cruz.

At ang lahat aniya ng ginagawa nilang tulong sa pagpapa-ingay sa laban at pagbebenta ng ticket ay walang anumang kapalit.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

“Kabayan natin si Manny. As Filipinos, suportahan na lang natin, full support,” pagmamalaki ni Pacquing. “Walang benefits, parang as a Filjpino, may kita man o wala, kailangan pa rin natin suportahan ang ating kababayan at si Manny Pacquiao.”

Kuwento pa ng mga OFW sa Malaysia, bagamat nahuli ng kaunti ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa laban, pare-parehas ang sentimyento ng bawat Pinoy ngayon — excited para sa pambihirang pagkakataon.

Kahit umano ang mga Pilipinong hindi makakabili ng ticket, masaya nang papanoorin sa tinutuluyan sa Kuala Lumpur o sa trabaho ang muling paglaban ni Pacquiao sa boksing.

Ayon kay Anag Ilao, pinag-uusapan na rin sa social media ang mangyayaring suntukan sa Linggo sa Axiata na karamihan ay nananalangin na manalo ang Pambansang Kamao.

Ginastusan din ng ibang Pinoy ang ticket para sa pinakamalaking boxing event sa Malaysia matapos ang 1975 fight ni Muhammad Ali.

“Okay lang kahit mahal ticket. Once in a blue moon naman kasi. ‘Di natin afford pumunta ng ibang bansa para manood,” ani Ilao.

Mananalo ba si Pacman?

Isa lang ang sagot ng mga Pilipino sa Malaysia — oo. At para kay Pilar Galut na 30 taon na nasa bansa, hindi magtatagal ang pagtayo ni Matthysse sa loob ng ring.

“Of course, mananalo kasi malakas ‘yan kay Lord,” sabi ni Galut. “[Hanggang] 5 rounds [bago tumumba si Matthysse], pagbigyan na natin sila.”

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.