PatrolPH

PBA: Maruming maglaro? Bernie Fabiosa ginunita ang playing style ni Jaworski

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 11:19 PM | Updated as of Jun 17 2020 12:21 AM

Di man katangkaran si Bernie Fabiosa, hindi ito naging hadlang sa mga panahong kinompronta niya si Robert Jaworski.

Dalawa sa pangunahing tauhan sina Fabiosa at Jaworski ng Crispa-Toyota rivalry sa PBA noong dekada 70, at dahil parehas na point guard di maiwasang madalas silang magkagirian. 

"Si Sonny kasi is hindi ko alam kung madumi ba siya (maglaro). Basta may style siya. Ang laki ng paa. Kapag lume-layup ka, pinipitik ka n'ya," kuwento ni Fabiosa, isa sa mga premyadong playmaker sa kasaysayan ng PBA, sa isang panayam sa "An Eternity of Basketball."

"Nu'ng nag-timeout si (coach) Baby (Dalupan), nilapitan ako ng (teammate na si) Johnny Revilla. Totoo ito, maski makinig si Sonny. Sabi ni Revilla sa akin, 'Tirahin mo 'yan (si Jaworksi)."

Sa una, di umano kumagat si Fabiosa sa payo ni Revilla.

"Tirahin mo 'yan o titirahin kita sa ensayo bukas (sabi ni Revilla). Natakot ako'," paggunita ni Fabiosa.

Minsan sa isang fastbreak, napansin daw ni Fabiosa na nasa likuran niya si Jaworski.

"Paglingon ko may numero 7 (Jaworski), sinikmurahan ko 'yun. Lumuhod. Totoo 'yan. Dinibdiban ko, tapos na-chop ako, inabutan 'yung Adam's apple ko. Umakting na lang ako," pag-alala ni Fabiosa.

Dahil sa insidente sinuspende ang dalawa, pero mula noon ay hindi na umano siya ginalaw ni Big J.

"Sa totoo lang sumikat ako doon. Parang nakita ng tao ang liit-liit lumalaban kay Jaworki," aniya.

Nilinaw naman ni Fabiosa na idolo niya sa Jaworski bago pa man siya nakapasok ng PBA. High school pa lang daw siya napapanood na niya si Jaworski sa TV bilang miyembro ng Meralco.

Pero ang insidente kung saan di niya inatrasan si Jawo ang nagpatibay daw kay Fabiosa bilang miyembro ng Crispa.

"Kasi no harm, no foul, di ba? Hindi pwede 'yung pabebe-bebe ka nu'n. Hindi uso 'yung pogi-pogi noong araw. Sasabihan ng coach, 'Palitan mo 'yan'," ani Fabiosa.

"Kaya tinatapangan ko ang sarili ko, kasi ayaw kong mabangko. Gusto kong maglaro."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.