PatrolPH

Mobile Legends: Execration nais mag-kampeon sa MPL S8 matapos ang MSC 2021

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2021 11:59 AM | Updated as of Jun 15 2021 12:00 PM

MAYNILA - Naging tuloy-tuloy ang pagratsada ng Execration mula sa local at Southeast Asia scene ng Mobile Legends. 

Sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League, tinanggal nila sa playoffs ang ilang crowd favorite gaya ng Bren Esports at Aura PH galing sa lower bracket, bago tumungtong sa finals kung saan natalo sila ng Blacklist International sa iskor na 4-3. 

Matapos noon, nagsanay sila para sa MSC, ang pinakamalaking paligsahan ng ML:BB sa Southeast Asia - at bumawi sa Blacklist International sa all-Filipino grand finals sa iskor na 4-1 para makuha ang 2021 title. 

Kaya naman ang plano, ayon kay head coach Jomie “Pakbet” Abalos ay magpahinga bago sumabak sa MPL Season 8. 

"Di kami nagpahinga noon simula playoffs hanggang ngayon, tuloy tuloy ng practice. Kailangan muna ng bakasyon, kailangan muna ng break," aniya sa isang press conference gabi ng Linggo. 

Ang Execration ang ikalawang Pinoy na koponan na nakamit ang titulo matapos ang Aether Main (ngayon ay ang Bren Esports) noong 2018. 

Pero kahit napatunayan ng Execration na sila ang pinakamagaling na koponan sa Southeast Asia, target pa rin nilang makuha ang MPL 8 title. 

"Tingin ko naman ang plano namin sa MPL Season 8, siguro kailangan kumpleto pa rin kami lineup pati ano din, siguro gusto namin ngayon mag-champion naman sana ng MPL Season 8 ng Philippines," ani Pakbet. 

Inaasahang magaganap ang MPL Season 8 sa ikalawang bahagi ng taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.