PatrolPH

SEA Games: Pilipinas, pang-4 na sa medal tally

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 21 2022 10:03 PM

Nadagdagan ng 16 medalya, kabilang ang 4 na ginto, ang nasungkit ng Pilipinas sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam nitong Sabado.

Kapwa nagtapat ang mga Pinoy sa finals ng men's doubles ng tennis at 10-ball pool singles sa billiards.

Nanaig sa tennis men's doubles ang koponan nina Treat Huey at Ruben Gonzales laban sa mga 2019 SEA Games champions na sina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara.

Mag-uuwi naman ng ikalawang ginto sa billiards si Rubilen Amit matapos niyang talunin si Chezka Centeno sa 10-ball.

Nauna nang nagwagi si Amit sa 9-ball pool singles laban sa Singapore.

Muling nagkaharap din ang mga Pinoy na sina Carlo Biado at Johann Chua sa men's 10-ball singles, kasunod ng pagkapanalo ni Chua sa 9-ball.

Pero sa finals ng 10-ball singles, si Biado na ang nag-uwi ng ginto.

Makasaysayan ang nakamit na tanso ng Philippine women's football team na natalo ang Myanmar 2-1.

Bago nito, noong 1985 pa huling nakakuha ng medalya ang Pilipinas sa women's football sa SEA Games.

Nagwagi ng ginto sa weightlifting ang 18-anyos na si Vanessa Sarno, na nagtakda rin ng bagong SEA Games record sa women's 71-kg class.

Dalawa na ang ginto ng Pilipinas sa SEA Games kasunod ng panalo ni Hidilyn Diaz noong Biyernes.

Nasungkit naman ng weightlifter na si Elreen Ando ang silver medal sa women's 64-kg category.

Pilak din ang nakuha sa chess women's team blitz nina WFM Shania Mae Mendoza at WGM Janelle Frayna.

Tanso naman ang napanalunan sa chess men's team blitz nina IM Daniel Quizon at IM Emmanuel Garcia.

Sa martial arts, nakasungkit ng pilak sa judo men's -55kg event si Daryl John Mercado.

Nagwagi ng bronze sa women's judo sina Ma. Jeanalane Lopez sa -45kg class at Leah Jhane Lopez sa -48kg class.

Kapwa rin nanalo ng bronze sa kani-kanilang weight class sa muay thai sina April Joy La Madrid sa combat 60kg at Rudzma Abubakar sa combat 48 kg.

Samantala, natalo sa women's volleyball ang koponan ng Pilipinas laban sa Indonesia, na nakuha ang bronze.

May 47 gold, 65 silver, at 88 bronze medals na ang Pilipinas, o 200 sa kabuuan.

 

Sa huling medal tally, umakyat na sa ika-4 mula sa ika-5 puwesto ang Pilipinas sa nakuhang medalya at inungusan na ang Singapore na parehong may 47 na ginto.

Nangunguna pa rin ang host country na Vietnam na sinundan ng Thailand at Indonesia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.