SEABA: Indonesian player na laking Pinas, may prediksyon sa title game ng Gilas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

SEABA: Indonesian player na laking Pinas, may prediksyon sa title game ng Gilas

SEABA: Indonesian player na laking Pinas, may prediksyon sa title game ng Gilas

Dominic Menor,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 18, 2017 06:43 PM PHT

Clipboard

Matapos ang kanyang paglalaro noong 2011 sa University of the East sa UAAP, lumipat si Biboy Enguio sa Jakarta kung saan nagsimulang umusbong ang kanyang professional career. Handout photo

MAYNILA -- Kung may isang manlalaro na kabisado ang kilos ng basketbolistang Indonesian at Pilipino, ito ay si Biboy Enguio.

Bukod sa pagiging beterano ng professional league sa Indonesia, naging bahagi din siya ng kanilang national team matapos siyang magpa-naturalize noong 2012.

Tubong-Indonesia ang ama ni Enguio na si Salim Lukman habang Pilipina naman ang nanay niyang si Julieta. Indonesian passport lang ang kanyang hawak, pero may balak din siyang mag-apply ng dual citizenship.

Matapos ang kanyang paglalaro noong 2011 sa University of the East sa UAAP, lumipat si Enguio sa Jakarta kung saan nagsimulang umusbong ang kanyang professional career. Sa Indonesian Basketball League nagpakitang-gilas si Enguio at, dahil sa husay niya rito, nakakuha siya ng imbitasyong sumali sa kanilang national team.

ADVERTISEMENT

Nakasungkit na siya ng dalawang pilak sa international competition -- sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championship noong 2013 at sa Southeast Asian Games noong 2015, kung saan tinalo sila ng Gilas Pilipinas cadets sa title game.

Ayon kay Enguio, inimbitahan siya muli ng basketball federation ng Indonesia para lumahok sa kasalukuyang SEABA Championship ngunit tinanggihan niya ito. Ang dahilan? Nais pa rin niyang makamit ang kanyang pangarap na makalaro sa PBA.

"Ngayon, focus ako sa (PBA) D-League kasi this coming (PBA) Draft susubok ako. Iyon na lang kasi talaga ang kulang na mapag-papakumpleto sa career ko," ani Enguio sa isang panayam sa ABS-CBN News Miyerkoles, isang araw bago ang pagsasagupa ng Gilas Pilipinas at Team Indonesia para sa ginto ng SEABA Championship.

"UAAP, SEABA, SEA Games, FIBA Asia, (Indonesian Basketball League), nalaruan ko na. Iyon na lang talaga kulang, kaya subok ako para walang 'what if' na gugulo sa utak ko pagdating ng panahon."

"Twenty-nine na ako, mapag-lilipasan na ako ng panahon," dagdag ng 6-foot guard. "Bago man mangyari iyon, at least nakasubok ako mag pa-draft."

At sa napipintong labanan sa pagitan ng Gilas at Indonesia, sinagot ni Enguio ang ilang katanungan tungkol sa kanyang mother team.

Dapat bang mag-alala ang Gilas kay Jamarr Johnson, ang naturalized player ng Indonesia?
Well si Jamarr may perimeter shooting and very athletic. Kailangan depensahan. Sa tingin ko, kaya naman siya bantayan ni Troy (Rosario) at (RR) Pogoy. Three and 4 kasi laro ni Jamarr.

Ano ang assessment mo kay Arki Wisnu (Indonesian player na lumaki sa Amerika)?
He is a smart player. Leader din sa court, may dribble, nagdadala ng bola and malakas ang katawan. But I heard may injury siya sa paa ngayon. So di ko alam kung ano ipapakita niya now.

Prediction sa Gilas-Indonesia game.
Philippines siyempre. Solid ang lineup, mula starting 5 hangang sa bench, walang tapon. Iba level ng Pinoy sa Indonesia at alam din naman (ng Indonesia) iyon.

May balak ka pa bang maglaro para sa Indonesia national team?
May chance naman. Fallback ko iyon if no one drafts me in the PBA.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.