PatrolPH

Roque: Non-contact sports di pa rin pinapayagan sa GCQ

ABS-CBN News

Posted at May 02 2020 05:06 PM

Nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi pa papayagan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang mga non-contact sport o mga isport kung saan hindi naman nagkakatabi or nagkukumpulan ang mga manlalaro.

Sa panayam ni Roque sa DZMM nitong Sabado, wala pa sa probisiyon ng GCQ na nagsasabing maaari nang magsimula ang mga kompetisyon tulad ng tennis, golf o swimming.

"Wala pa pong probisiyon na pinapayagan 'yan. Alam nyo naman na barkadahan system ang mga nagte-tennis," paliwanag ni Roque. 

"Ang mga golfer sila ay nagrereklamo dahil wide open space naman iyan, pero ang nature ng sport ay very sociable sport, so [hindi pa puwede]."

Dagdag pa ni Roque, mananatili pa ring sarado ang mga fitness gym para maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga fitness facility.

"Ako rin ay nalulungkot, lalo akong tumataba dahil hindi nakakapag-gym. Dati anim na araw, isang linggo [akong nagji-gym], ngayon hindi pa rin. Sabi ng coach sa gym mag-virtual training na lang," aniya.

Nauna nang inanunsyo ni Interior Secretary Eduardo Año na masusi nilang pag-aaralan kung papayagan na ang mga non-contact sports sa ilalim ng GCQ.

Ito ay kasunod ng panawagan ng mga sports enthusiast para mai-promote ang healthy lifestyle at lumakas ang pangangatawan ng publiko para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
 
" 'Yung mga sports na merong physical distancing nao-observe siya, sa susunod na pag-uusapan namin 'yan naman, tatalakayin namin pagdating ng GCQ, kung may ia-allow na tayong sports," ani Ano sa isa pang panayam sa DZMM.

"Siyempre kasama naman 'yan sa advisory ng Department of Health na exercise para makatulong sa pag-iwas na madapuan ng COVID-19.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.