Dating PBA player Mac Cardona inaresto sa kasong serious physical injuries

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2021 04:29 PM | Updated as of Mar 20 2021 06:27 PM

Dating PBA player Mac Cardona inaresto sa kasong serious physical injuries 1
Galing sa Mandaluyong Police at file photo ng ABS-CBN News ang dalawang larawan ni Mac Cardona

Inaresto ng Mandaluyong Police nitong Huwebes ang dating manlalaro ng PBA na si Mac Cardona dahil sa kasong serious physical injuries na isinampa laban sa kaniya. 

Sa ulat ng awtoridad, naaresto si Cardona ng bandang alas-9 ng umaga sa may Maysilo Circle, Brgy. Plainview sa Mandaluyong City sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng MTC Branch 116 ng Taguig City noon pang Enero 25. 

Nananatiling nakadetine sa custodial facility unit ng Mandaluyong City Police Station ang atleta habang sinusulat ang balitang ito.

Nasangkot sa gulo ang 39-anyos na basketbolista sa isang away sa labas ng isang club sa Bonifacio Global City noong nakaraang taon. 

Sa isang video na kumalat, makikita si Cardona, na nakapaglaro sa PBA ng 12 season, na sinusuntok at sinisipa ang isang lalaki sa kabila ng pangaawat ng kanyang kasama.

Matatandaan ding isinugod sa ospital noong 2016 ang dating manlalaro ng San Juan Knights dahil sa drug overdose. Naaresto rin siya ilang taon ang nakalipas makaraan umanong mambubog ng kanyang common law wife.

Sa 12 taon sa PBA, nakapag-uwi si Cardona ang Finals MVP noong 2008-2009 Philippine Cup habang nasa Talk N Text Tropang Texters siya. Naging parte rin siya ng Meralco Bolts, Air21 Express, NLEX Road Warriors, at GlobalPort Batang Pier.

RELATED VIDEOS:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC