Ilang vendor hirap mapababa sa P250/kilo SRP ang presyo ng sibuyas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang vendor hirap mapababa sa P250/kilo SRP ang presyo ng sibuyas

Ilang vendor hirap mapababa sa P250/kilo SRP ang presyo ng sibuyas

ABS-CBN News

Clipboard

Naghanap sa Kamuning Market si Nilda Zafra ng pulang sibuyas na P250 kada kilo matapos mabalitaang ito na ang suggested retail price (SRP) nito.

Pero P650 kada kilo pa rin ang nakikita niyang presyuhan, kaya 4 sibuyas lang ang nabili niya sa halagang P97.

"We use na lang onion powder and onion flakes. It's cheaper. But we really need onions. Wala pang P250," ani Zafra.

Naglabas ang Department of Agriculture ng administrative circular na nagpapataw ng P250 SRP sa kada kilo ng pulang sibuyas.

ADVERTISEMENT

Tugon ito ng DA sa araw-araw na pagsipa ng presyo ng sibuyas na umaabot na ng P700 kada kilo.

Nakasaad na dapat itong ipatupad sa mga palengke sa Metro Manila sa nalalabing araw ng taon hanggang sa unang linggo ng Enero 2023.

Pero ngayong araw, wala pa ring mabibiling P250/kilo na pulang sibuyas sa palengke.

Sa monitoring ng kagawaran, ang mga kasalukuyang stock sa palengke ay nabili pa rin ng retailers nang mas mataas sa SRP.

"Kinausap na rin po natin ang mga market masters dahil nga wala pong makasunod sa P250 per kilo today dahil 'yong stocks nga po nila ay binili nilang mas mataas na halaga but we are already linking para po ang ating mga farmer cooperatives can also supply," ani DA Assistant Secretary Kristine Evangelista.

"Ina-identify po ngayon ng mga market masters kung anong mga retailers ang willing to buy. Kasi one part is getting the supply. The next part is having a retailer say 'yes.' Alam niyo po ang ating mga retailers minsan po sila ay may mga utang sa kanilang mga supplier kaya hindi po ganoon kadali sa kanilang mag-shift ng supplier," dagdag niya.

Ayon naman sa tinderong si Rey Garcia, mataas pa rin ang presyo ng kanilang supplier nang kumuha sila ng suplay.

"Hindi kaya, ang laki ng puhunan nami. [Nasa] P570 ang puhunan ng sibuyas," ani Garcia.

Sinubukan din ng tindera na si Joy Teves na maghanap ng magsusuplay ng mas murang sibuyas pero nabigo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayong kalihim ng DA, balak nilang dalhin sa mga palengke ang mga nasabat na smuggled na sibuyas.

Una nang sinabi ng DA na may health risk ang pagkonsumo ng smuggled agricultural products at hindi opsiyon ang pag-aangkat para maiwasang maisingit sa lokal na produkto ang mga smuggled na sibuyas.

"We’re trying to find ways to bring the smuggled onions that have been caught na ilagay na sa market para mabawasan ang supply problem but there are some legal issues to doing that immediately so we're still working on that but we will keep the prices down by monitoring what's happening in our palengke," ani Marcos.

Para naman sa Samahang Industriya ng Agrikultura, hindi na suplay ang problema kung 'di ang umano'y pagmamanipula ng traders at importers sa presyo ng sibuyas.

"Ang problem ngayon ay hindi supply gap; onion farmers are now harvesting. Ang problem is 'yung sobrang taas ng presyo ng onions as dictated by traders and importers," ani SINAG Director Jayson Cainglet.

Nangangamba rin ang SINAG kung dadalhin sa mga palengke ang mga smuggled na sibuyas ngayong mataas ang presyo.

"We are worried na kung papapasukin sa market ang smuggled, babagsak ang farmgate, at malulugi na naman ang onion farmers. It will also set a bad precedent na you just create 'yung condition of high prices, then puwede na legally pumasok mga smuggled goods."

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.