Presyo ng mga 'pampasuwerteng' bilog na prutas, tumaas na

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 08:09 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dalawang araw bago ang Bagong Taon, tumaas pa ang presyo ng mga bilog na prutas na pinaniniwalaang pampasuwerte sa pagsalubong sa 2018.

Ayon sa mga fruit vendor sa Farmers Market sa Quezon City, tumaas pa ang presyo ng mga bilog na prutas dahil sa buhos ng mamimili at dikit na sa Bagong Taon.

"Medyo tumataas siya pagka . . . palapit na nang palapit [ang Bagong Taon] kasi po nagkakaubusan na ng stocks," ayon kay Jun Bernardino, nagtitinda ng prutas.

Sa ngayon, mabibili sa halagang P60 kada kilo ang seedless watermelon, P100 ang sweet melon, P250 ang ubas, P350 ang green grapes at P300 kada kilo ang lanzones. 

Nasa P20 kada piraso naman ang lemon, P30 ang red apple, at tatlo sa P100 ang peras.

Pinakamabenta naman kapag Bagong Taon ang kiat kiat na mabibili sa P100 kada pakete.

Nasa P150 naman ang kada piraso ng pinya. 

'Suwerte' sa 2018

Sinabi naman ng feng shui expert na si Maxima Tiu na mabigat ang taong 2017 na year of the rooster sa Chinese calendar.
 
Pero paniwala niya, maganda ang pagpasok ng 2018 na year of the dog.

"Wish lang na next year, mga dog year, gaganda ang buhay natin. Medyo maraming pera ang nakikita natin," aniya. 

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.