Pagkamatay ng 10 anyos mula Laguna, isinisisi rin sa Dengvaxia | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkamatay ng 10 anyos mula Laguna, isinisisi rin sa Dengvaxia

Pagkamatay ng 10 anyos mula Laguna, isinisisi rin sa Dengvaxia

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dumulog sa Public Attorney's Office (PAO) ang mga magulang ng isang 10 taong gulang mula San Pedro, Laguna na hinihinalang namatay matapos mabakunahan ng dengue vaccine na Dengvaxia.

Nagsampa ng pormal na reklamo ang mag-asawang Eugyne at Elena Baldonado sa PAO matapos mamatay ang kanilang anak na si Lenard na nabakunahan din umano ng Dengvaxia.

Hindi pa nagkaka-dengue ang 10 taong gulang na si Lenard at kasama siya sa naturukan ng Dengvaxia sa San Pedro, Laguna.

Pero matapos ang pangatlong bakuna niya noong Agosto, doon na umano nagsimulang mapansin ang pagbabago sa dati nitong malusog na katawan.

“Nagkaroon po siya ng bleeding ng gums, parang bloated na ‘yung tiyan niya, may mga rashes din, nagkaroon ng manas ang paa,” kuwento ni Elena.

ADVERTISEMENT

Lumuwas sila noong Nobyembre 9 mula San Pedro, Laguna para ipa-check up si Lenard sa Philippine General Hospital pero habang nasa biyahe ay doon na umano siya hinimatay at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Sa resulta ng ultrasound, lumabas na namaga ang mga kidney o bato ni Lenard.

Batay sa mga ipinakitang sintomas ng bata, malaki ang paniniwala ng PAO forensic expert na si Dr. Erwin Erfe na namatay si Lenard sa severe dengue na pareho umano sa sinapit ng taga-Quezon City na si Anjielica Pestilos.

“After vaccination, do’n nangyari ‘yung series of events which led to the death nitong dalawang batang ito at mukhang both cases ay namatay sila sa acute respiratory failure,” ayon kay Erfe.

Pumayag na ang mga magulang na ipahukay ang labi ni Lenard para isailalim sa forensic examination.

Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III, paiimbestigahan niya rin ang kaso ni Lenard Baldonado at maaring ilabas ang resulta sa loob ng tatlong linggo.

“Mayro’n tayong mga dalubhasa o mga espesyalista na mag-o-audit at magva-validate ng findings nu'ng ospital,” ani Duque.

Pero ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), ipauubaya na lang nila ang imbestigasyon sa National Bureau of Investigation o kaya’y sa PAO.

Muli namang iginiit ng Sanofi Pasteur na wala pang napatutunayang insidente ng pagkamatay dahil sa Dengvaxia hanggang ngayon.

Samantala, dumulog sa tanggapan ng PAO ang mga magulang ng higit 40 elementary students mula Parañaque na naturukan ng Dengvaxia.

Inatasan na kasi ng Department of Justice ang PAO na magbigay ng libreng legal assistance sa mga posibleng biktima ng Dengvaxia.

Kuwento ng mga magulang, labis-labis na silang nangangamba kasunod ng mga reklamo ng ilang magulang na may mga namatay na anak matapos umanong mabakunahan ng Dengvaxia.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.