Ilang pasahero, 3 araw nang stranded sa Manila port | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang pasahero, 3 araw nang stranded sa Manila port

Ilang pasahero, 3 araw nang stranded sa Manila port

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 28, 2017 03:51 PM PHT

Clipboard

(UPDATED) Tatlong araw nang stranded sa Manila North Port ang ilang pasaherong patungong Visayas at Mindanao matapos mag-reschedule ng mga biyahe ang 2GO shipping line.

Galing pa sa Tarlac at Pampanga ang ilan sa mga pasahero at kapos na sa pera kaya hindi na makabalik sa pinanggalingan.

Kabilang sa kanila si Wed Estimar na nitong Disyembre 26, Lunes pa nasa pantalan. Reklamo niya, hindi man lang sila inabisuhan ng kahit sino mula sa 2GO ukol sa bagong schedule ng kanilang biyahe.

"Kung tatawagan mo, hindi naman nila sinasagot e. Ni wala ngang empleyadong lumabas dito, nagpaliwanag sa amin," ani Estimar sa panayam ng DZMM.

ADVERTISEMENT

Inaasahang makakasakay ngayong Huwebes ang mga stranded na pasahero kasabay ng pagdating sa pantalan ng tatlong 2GO na barko, ayon sa marketing head ng kumpanya na si Francis Chua.

"Only confirmed ticketed passegers with travel dates today, who are at the terminal waiting, will be able to travel," paglilinaw ni Chua.

Gayunman, aminado si Chua na posibleng abutin pa ng 2 hanggang 3 linggo bago maibalik sa normal ang operasyon ng 2GO.

Nagkapatong-patong aniya ang mga delay sa biyahe dahil sa magkasunod na bagyo ngayong buwan.

Maaaring magparefund o rebook ang mga pasahero nang libre sa mga opisina ng 2GO sa Mall of Asia, Araneta Center Cubao at Robinsons Galleria, sabi ni Chua.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nangako naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na tatawagan niya si Transportation Secretary Artur Tugade ukol sa aberya.

"Ang mga pasahero po natin na may ticket, mayroong kontrata sa panig nila at mga shipping companies na kailangan makarating sila doon sa kanilang destinasyon. Iyan po ay tinatawag na contract of carriage," sabi sa DZMM ni Roque.

"Hindi naman puwedeng balewalain na lang ang kontratang iyan dahil sa mga kadahilanan na hindi naman malinaw. Kung mayroon talagang aberya, dapat may advisory d'yan ang ating gobyerno," dagdag niya.

May ulat nina Lyza Aquino at Dennis Datu, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.