PatrolPH

Basura nagkalat sa Rizal Park matapos dagsain noong Pasko

Anna Gabrielle Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2021 08:50 AM

Mga basurang naiwan sa Luneta Park, Maynila kasunod ng pagdiriwang ng Pasko. Anna Gabrielle Cerezo, ABS-CBN News
Mga basurang naiwan sa Luneta Park, Maynila kasunod ng pagdiriwang ng Pasko. Anna Gabrielle Cerezo, ABS-CBN News

MAYNILA - Tulad ng nga nakaraang taon, hindi naiwasan ng mga Pinoy na mag-iwan ng basura nila sa Rizal Park (o Luneta Park) matapos magdiwang ng Pasko.

Ayon sa record ng mga guwardiya, nasa 170,000 ang taong namasyal sa parke noong Sabado, Araw ng Pasko.

Ang mga nakapalibot na kalat sa parke ay hindi naman tulad noong mga Pasko bago mag-pandemya, kung saan tila gabundok ang mga naipon na basura.

Ayon sa mga gwardya na nakabantay sa Luneta, tuloy-tuloy ang pagkuha ng mga tagalinis sa napupunong basurahan.

Nagsimula ang pamumulot sa mga iniwang bote, plastik, gamit na face mask at tira-tirang pagkain bandang alas-10 ng gabi noong Sabado at nitong madaling araw ng Linggo.

May masangsang ring amoy sa ilang bahagi ng parke dahil sa mga naiwang panis na pagkain at mga bote ng inumin.

Sa labas naman ng Luneta Park, nagkalat sa gilid ng kalsada ang mga basura, karamiha'y plastic cups.

Wala pang tala ang lokal na pamahalaan kung ilang toneladang basura ang nakuha sa naturang pasyalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.