Ilang bahay natupok sa sunog sa Zamboanga City

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 04:27 PM

Walang gamit na naisalba ang mga nasunugang residente dahil biglang lumaki ang apoy na tumupok sa hindi bababa sa 10 bahay sa Zamboanga City. Noning Antonio, ABS-CBN News

Hindi bababa sa 10 bahay ang natupok sa sunog na sumiklab sa Baliwasan Grande sa Zamboanga City sa mismong araw ng Pasko.

Karamihan sa mga nasunugan ay walang naisalbang gamit dahil bigla umanong lumaki ang apoy at kumalat sa mga bahay na yari karamihan sa light materials.

Nahirapan naman ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil makitid ang mga daan at hindi kasya ang kanilang mga trak kaya pinagdugtong na lang nila ang mga fire hose upang maabot ang mga nasusunog na bahay.

Nagbayanihan din ang mga residente at ilan na galing pang ibang purok para tulungan ang mga nasunugang biktima.

Hindi pa matukoy ng awtoridad ang sanhi ng sunog habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.

Wala naman naiulat na nasaktan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.