Nakatayo noong Disyembre 22, 2020 si Florentino Gregorio sa tabi ng mga kabaong ng kaniyang misis at anak, na binaril ng isang pulis sa Paniqui, Tarlac. Lisa Marie David, Reuters
TARLAC - Hindi tanggap ng mga kamag-anak nina Sonia at Frank Anthony Gregorio ang pagsisisi ng pulis na pumatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo na nag-ugat lamang sa alitan kaugnay sa pagpapaputok ng boga.
Ayon kay Rosario Gundran, panganay na kapatid ni Sonia, masyadong malalim ang sakit para matanggap nila ang pahayag na pagsisisi ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca, na kapitbahay ng pamilya Gregorio.
"Taon-taon, ipapapaala ko sa cellphone na noong araw na 'yon, ganoon ang ginawa niya. Ipapakita ko ang video sa lahat na makikita ng mundo," ani Gundran.
"Kung nagsisisisi siya, well and good. Ginagawa na niya," dagdag niya.
Nakuhanan ng video, na kumalat sa social media, ang pamamaril ni Nuezca sa mag-ina.
Ayon kay Gundran, nakatakda sana silang magsagawa ng reunion ngayong holiday season, pero nauwi pa ito sa burol.
"Ang reunion namin, patay ang kapatid ko," dagdag niya.
Pumunta rin sa burol ang mga dating guro ni Frank Anthony, na nanawagan ng hustisya sa nangyayaring pamamaslang.
"Parang ang sakit po sa dibdib. 'Yong hustisya po ang dapat manaig sa atin, 'yong mga buhay na nabawi sa kanila," anang gurong si Regina Lacayanga.
Buhos din ang pakikiramay sa pamilya kahit ng mga taong hindi personal na nakakakilala sa mag-ina, tulad ng isang grupo ng mga rider at grupo mula Caritas, Tarlac.
Dumalaw din ang Commission on Human Rights-Central Luzon para sa patuloy na pagbabantay sa kaso.
Samantala, sumailalim sa psycho-social counseling ang 12 miyembro ng pamilya Gregorio na mga menor de edad matapos matunghayan ang mismong pamamaril.
"Para i-vent po ang mga nararamdaman nila. Isa po 'yon sa mga ways po 'yon para makapag-move on ang mga victims po natin," anang social worker na si Aladin Balilo.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, burol, wake, Paniqui, Tarlac, Tarlac shooting, Sonya Gregorio, Frank Gregorio, Jonel Nuezca, regions, regional news, TV Patrol, Adrian Ayalin