Ilang kontrata sa COVID-19 vaccine posibleng pirmahan ngayong Disyembre: Galvez | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang kontrata sa COVID-19 vaccine posibleng pirmahan ngayong Disyembre: Galvez

Ilang kontrata sa COVID-19 vaccine posibleng pirmahan ngayong Disyembre: Galvez

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 22, 2020 07:40 PM PHT

Clipboard

Dado Ruvic, Reuters/File

MAYNILA (UPDATE) — Ginarantiya ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na bago matapos ang taon ay matitiyak na ng pamahalaan na may darating na suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa 2021.

Ito'y dahil malapit na umanong mapirmahan ang ilang kontrata para sa pagbili ng bakuna.

"Mayroon po tayong magandang balita kasi baka may mga matapos tayong kontrata this coming December," ani Galvez.

Binitawan ni Galvez ang mga pahayag kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng batikos na tila nahuhuli ang bansa sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Galvez, malaking bagay ang mga naging panawagan ng pangulo sa United Nations assembly at ASEAN Summit na magkaroon ng patas na access ang lahat ng bansa sa supply ng bakuna.

Dahil aniya rito, maraming kompanya at country representatives ang sumuporta sa non-profit approach sa pag-presyo ng bakuna kaya mas naging mura na ito.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa umano sa mga posibleng maunang maikasang kontrata ay ang suplay ng Novavax vaccine.

"Siya po ay makakausap po namin this coming December 23 at nag-assure po siya na magbibigay po siya ng 30 million doses para po sa atin, iyan po ang Novavax," ani Galvez.

Bukod dito, may kontrata rin para sa pagbili ng 20 million doses ng bakuna ng AstraZeneca na inaasahang maisasapinal bago matapos ang taon.

"Baka this coming next week either December 28 or 29, hinihintay lang po namin iyong ministry of health regulatory authorization ng UK (United Kingdom) at puwede naming pirmahan iyong kontrata," ani Galvez.

Dahil dito, kumpiyansa si Galvez na may 60 milyon doses ng COVID-19 vaccines ang bansa sa 2nd o 3rd quarter ng susunod na taon.

Samantala, hindi man direktang idinepensa si Health Secretary Francsico Duque III, nagpaliwanag naman si Duterte kung bakit hindi tayo mauunang makakuha ng bakuna ng Pfizer na ginagamit ngayon sa ibang bansa.

Matatandaang nasisi sa kapalpakan umano si Duque kaya nabulilyaso ang kasunduan sana ng Pilipinas at Pfizer para sa bakunang darating sa Enero.

"Uunahin talaga ang Amerika. There is no such available sa Pfizer ngayon, wala sila maibigay dahil ginagamit sa Amerika," ani Duterte.

Iginiit din ni Duterte na si Galvez ang binigyan niya ng trabaho sa pagpili ng bakuna at ano mang dokumento hinggil dito ay dapat pumasa muna sa standards ng vaccine czar.

Nauna nang inihayag ng pangulo na susi sa pagsugpo sa virus outbreak ang bakuna.

Tiniyak naman nina Budget Secretary Wendel Avisado at Finance Secretary Carlos Dominguez kay Duterte na may sapat na pondo sa pagbili ng bakuna kaya hindi raw dapat mabahala ang publiko.

Nagpaalala naman si Health Secretary Francisco Duque III sa mga lokal na pamahalaan na maghigpit ngayong Pasko dahil sa inaasahang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

Tiniyak din ni Duque na hindi magsasara ang mga laboratoryo ngayong Pasko para tuloy-tuloy na magproseso ng COVID-19 tests.

Sa tala nitong Martes, umabot na sa 462,815 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.