8 patay, higit 200 nalason sa lambanog sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2019 07:58 PM | Updated as of Dec 23 2019 10:50 AM

(UPDATE 2) Walo na ang kumpirmadong patay habang higit 200 naman ang isinugod sa pagamutan nitong Linggo dahil umano sa pag-inom ng lambanog sa bayan ng Rizal, Laguna.

Mismong alkalde ng Rizal na si Mayor Vener Muñoz ang kumumpirma sa ulat.

Galing umano sa iba't ibang Christmas party ang lahat ng biktima, pero iisa lang ang binilhan nila ng nakalalasong lambanog.

Umaga nangyari ang mga selebrasyon, dagdag ng alkalde.

Nasa Philippine General Hospital (PGH) ang mga biktima, at marami pa raw ang isinusugod.

"Iisang brand, iisang tindahan ang binilhan kaya napakarami," hinala ni Muñoz.

Ipinagbawal na rin ng gobernador ng Laguna ang pagebebenta ng lambanog habang iniimbestigahan ang nangyari.

"Ang inyo pong lingkod ay nag uutos ng pagban muna ng pagbebenta ng Lambanog sa ating lalawigan habang nag iimbestiga pa po ang ating kapulisan sa naganap na pagkalason ng maraming tao sa bayan ng Rizal, Laguna," ani Laguna Gov. Ramil Hernandez sa isang post sa Facebook.

Ayon kay Police Staff Seargeant Ronald Balbuena, imbestigador ng kaso, nakausap na raw nila sa telepono ang supplier ng lambanog na mula pa San Juan, Batangas.

Nangako raw itong tutulong at makikipag-ugnayan sa pulisya kaugnay ng insidente.

Nakatakda raw dalhin ang mga sample ng tirang lambanog sa Food and Drug Administration upang dumaan sa masusing pagsususri.

—Ulat nina Arra Perez, April Magpantay at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.