Ilang lugar sa Samar, binaha

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2016 03:30 PM

Photo courtesy of Rhoda Baris

Ilang lugar sa Samar ang nakaranas ng pagbaha dahil sa matinding ulan simula noong Biyernes.

Sa mga litrato na kuha ni Rhoda Baris, konsehal sa Taft, Eastern Samar, makikita na ilang kabahayan na sa mga barangay ng Mabuhay at Malinaw ang lubog sa tubig baha, at may ilang residenteng gumamit na ng bangka upang makabiyahe.

Ayon naman kay Gaspar Yuhan ng municipal disaster risk reduction and management office, aabot na sa 14 barangay ang apektado ng pagbaha.

Sabi naman ni PS/Supt. Tranquilino Araral III, provincial director ng Eastern Samar police provincial office sa Jipapad, mayroon ding pagbaha, at aabot na sa 20 pamilya ang inilikas.

Nagsimula ang pagtaas ng tubig baha mga alas-11 noong Biyernes, dahil na rin sa malakas na ulan na nararanasan ng probinsiya ng Eastern Samar.

Photo courtesy of Engr. Siases, Las Navas information office

Samanatala, may pagbaha rin sa poblacion bayan ng Las Navas, Bayan ng Catarman at Lope de Vega sa Northern Samar.

Abot na sa dibdib ang tubig baha dahil na rin sa pag-ulan simula kahapon.

Nagpulong na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ukol sa mga pagbaha, at nakamonitor naman ang Office of Civil Defense sa Eastern Visayas sa mga lugar na binabaha.