Drug den nadiskubre sa ibaba ng community church

Fred Cipres, DZMM

Posted at Dec 11 2016 11:03 AM

MANILA - Nadiskubre ng mga awtoridad ang isang drug den sa loob ng bahay na ginagamit ng community church sa Barangay 831 sa Pandacan, Maynila, Linggo.

Sa ikalawang palapag ng bahay sa 1870 Guanzon Street natagpuan ang isang Christian church habang sa unang palapag naman nakatago ang umano'y drug den na pinapatakbo ng caretaker ng bahay na si Danilo Lanyohan.

Dalawang linggong sumailalim ang naturang bahay sa surveillance ng Station Anti Illegal Drugs ng Manila Police District Station 10 sa pangunguna ni Superintendent Emerey Abating.

"Medyo mailap [si Lanyohan] kasi kailangan kilala ka muna niya bago ka makapasok sa loob ng bahay," ani Abating.

Sinasamantala anya ni Lanyohan ang usok mula sa pagluluto ng lechon de leche at Peking duck na negosyo ng may-ari ng bahay upang hindi maamoy ng mga kapitbahay ang usok mula sa mga shabu session sa unang palapag.

Itinatanggi naman ng suspek na nagpapatakbo siya ng drug den.

"Hindi po ito drug den, hindi naman po madalas na gumagamit dito," sabi ni Lanyohan.

Pero iginiit ng mga opisyal ng barangay na may mga iligal na aktibidad si Lanyohan sa kabila ng pagsuko nito kamakailan sa Oplan Tokhang para sa mga drug suspect.

"Gabi-gabi po, iba-iba ang pumapasok sa loob ng bahay... Sumuko si Lanyohan sa Oplan Tokhang pero dalawang beses ito umattend sa programa ng baranggay sa mga Tokhang surrenderees," sabi ni Joseph Morales, chairman ng Barangay 831.

Naaresto si Lanyohan sa buy-bust operation kung saan nabilihan siya ng isang poseur-buyer ng shabu na nagkakahalaga ng P500.

Dinampot din ang walong parokyanong naaktuhan na gumagamit ng droga sa bahay.

Nakilala sila bilang sina: Abelardo Abolencia, Danilo Villar, Velmar Villara, Margarito Balbido, Gilbert Nacao, Ronelo Agulto, Marco Berba at Benjamin Tajar.

Sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek.