MAYNILA - Walo ang bahagyang nasugatan sa nangyaring sunog sa factory ng plastic straw sa Bagong Barrio, Caloocan City nitong Sabado ng umaga.
Kuwento ng sektretarya ng nasunog na factory na si Elvira Solano, nagsimula ang sunog sa isa sa mga kuwarto na tinutuluyan ng mga manggagawa.
“Mayroong mag-ina na namalengke, iniwan nila yung charger nila kasi gawain naman daw yun nila ang cellphone…maya-maya may umusok na…tuloy-tuloy na yung sunog,” kuwento ni Solano.
Sabi ni Fire Officer 1 Jhon Michael Manalo ng BFP-Calooan, pawang minor injuries ang tinamo ng mga nasugatan gaya ng mga paso sa balat na agad din namang nabigyan ng paunang lunas.
Nagsimula ang sunog bandang alas-nuebe ng umaga na umabot lang sa unang alarma bago idineklarang fireout bandang alas-10:37 o makalipas ang higit isang oras.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection o BFP sa tunay na pinagmulan ng apoy at ang kabuuang halaga ng pinsala.
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.