Simbahan sa Naga City, nilooban

Rona Jane Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 06:02 AM

CAMARINES SUR - Nilooban ng hindi pa kilalang kawatan ang Holy Cross Parish Church sa Barangay Tabuco, Naga City Martes ng umaga.

Sa kuha ng isang CCTV, pumasok ang kawatan sa opisina ng parokya at pinuntirya ang drawer ng sekretarya.

Umalis saglit ang kawatan at pumunta naman sa opisina ng kura paroko. 

Nang walang makuha, bumalik ulit sa may drawer at pilit itong binuksan.

Nang mabuksan ang drawer, kinuha nito ang pera na nagkakahalaga ng P14,000 at mabilis na naglakad palabas sa simbahan.

Ayon kay Fr. Felix Abaño Jr., unang beses niyang nakita ang lalaki nitong Martes. Lumapit pa ito sa kanya pagkatapos ng misa.

"Gusto niya daw akong makausap. Sabi ko later na lang pag office hours na lang. Then pag-alis ko, pumasok naman siya. Hindi alam ng mga kasamo ko kasi kumakain sila at ako naman may lakad," aniya.

Posible umanong gumamit ng false key ang lalaki dahil sigurado ang mga taga-parokya na naka-lock ang drawer.

"Yung mga binayad yun ng mga magpapakasal ngayong December," dagdag ni Fr. Abaño.

Ayon kay SPO2 Marlon Requillas ng Naga City police, baguhan sa lugar ang lalaki. 

Hindi umano ito kilala ng case tracker at intelligence operatives ng Naga City Police Office.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.